Magna Carta para sa mga BHW: Dagdag na Sahod at Benepisyo
Jaybee Co-Ang Ipinost noong 2025-02-26 09:15:13
Inaprubahan na ng Senado at ng House of Representatives ang Magna Carta para sa Barangay Health Workers (BHWs), na naglalayong magbigay ng mas maraming benepisyo at proteksyon para sa mga BHW na unang nagbibigay ng serbisyong pangkalusugan sa bansa. Ang panukalang batas ay ipinadala na sa Malacañang para sa lagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ikinatuwa ni Senate President Francis "Chiz" G. Escudero, pangunahing may-akda ng Senate Bill No. 2838, ang pagpasa ng panukala bilang isang “fitting tribute” sa mga BHW at sa mahalagang papel na kanilang ginagampanan sa sistemang pangkalusugan.
""There is no argument that our barangay health workers should be recognized and rewarded for being our health frontliners in our communities. We witnessed how they risked their lives as the first in line to take care of our sick during the COVID-19 pandemic, but they often get nothing in return as mere volunteers," pahayag ni Senator Escudero matapos aprubahan ng Senado ang panukala sa ikatlo at huling pagbasa.
Ang panukala ay isinulong ni Senador Christopher “Bong” Go, Chairperson ng Senate Committee on Health and Demography. Upang mapabilis ang pagpapatibay ng batas, in-adopt ng HRep ang bersyon ng Senado, kaya’t pinag-isang panukala na ang ipinadala sa Office of the President.
Sa ilalim ng panukalang batas, makakatanggap ang mga rehistradong BHW ng hindi bababa sa P3,000 buwanang honoraria, habang ang mga certified BHW ay makakatanggap ng hanggang P5,000, na muling susuriin at maaaring baguhin kada tatlong taon. Mayroon ding karagdagang insentibo tulad ng transportasyon at pagkain, hazard pay, at isang P10,000 na insentibo para sa mga nagsilbi ng hindi bababa sa 15 taon. Makakatanggap din ang mga BHW ng GSIS insurance, libreng legal na serbisyo, at prayoridad sa mga programa ng pamahalaan para sa kabuhayan.
Upang gawing mas propesyonal ang hanay ng mga BHW, kinakailangan nilang sumailalim sa certification ng mga municipal o city health boards. Magkakaroon din sila ng access sa trainig at edukasyon sa ilalim ng Education and Training Program ng Department of Health upang mapabuti ang kanilang kaalaman at kasanayan. Ang mga certified BHW na may hindi bababa sa limang taong tuluy-tuloy na serbisyo ay bibigyan ng sub-professional eligibility mula sa Civil Service Commission, na magpapadali sa kanilang aplikasyon para sa mga posisyon sa pamahalaan.
Idinedeklara rin ng panukala ang Abril 7 bilang Barangay Health Workers Day bilang pagkilala sa kanilang mahalagang ambag sa kalusugan ng publiko at kanilang pagsusumikap sa panahon ng krisis.
Kapag ito ay naisabatas, papalitan nito ang Republic Act No. 7883 (Barangay Health Workers’ Benefits and Incentives Act of 1995), na magbibigay ng mas pinalawak na benepisyo, proteksyon, at pagkilala sa mga barangay health workers sa buong bansa.
Larawan mula sa BusinessWorld
