PhilHealth, inilunsad ang outpatient mental health benefits package
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-03-05 09:35:01
MANILA, March 4, 2025 – Inilunsad ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang isang outpatient mental health benefits package upang matulungan ang mga Pilipinong may pinagdaraanang isyu sa kalusugang pangkaisipan.
Inihayag ang bagong package sa Philippine Council for Mental Health Strategic Framework for 2024-2028, na naglalayong gawing mas abot-kaya at mas madaling ma-access ang mga serbisyong pangkalusugang pangkaisipan para sa mga miyembro at kanilang dependents.
Nakasaad sa PhilHealth Circular No. 2023-0018 ang saklaw ng package, kabilang ang mga kondisyon gaya ng depression, psychosis, epilepsy, mental at behavioral disorders sa mga bata at kabataan, dementia, at panganib ng pananakit sa sarili o pagpapatiwakal.
Sakop ng package ang mga initial assessment, follow-up consultations, diagnostic tests, at psychosocial support.
"PhilHealth will implement a progressive mental health package, providing members, as well as their dependents, with responsive benefits that ensure financial risk protection as they heal from anxiety and depression," ayon kay PhilHealth President and CEO Emmanuel R. Ledesma Jr.
Ang mga miyembro at dependents na may edad 10 pataas ay maaaring makinabang sa package sa anumang accredited facility na nagbibigay ng general mental health services. Kabilang dito ang rural health units (RHUs), city o municipal health offices, Level 1 at 2 hospitals, DOH Medicine Access Program-mental health access sites, at stand-alone mental health clinics.
Para naman sa specialized mental health services, maaaring lumapit sa mga Level 2 at 3 hospitals na may espesyal na tauhan, custodial care facilities, at mga national specialty centers na kinilala ng DOH.
Magkakaroon ng taunang coverage na PHP 9,000 para sa general mental health services at PHP 16,000 para sa specialized care.
Binigyang-diin ni PhilHealth Acting President and CEO Edwin Mercado ang kahalagahan ng mas madaling ma-access na mental health services para sa bawat Pilipino.
"We recognize the importance of accessible mental health services for every Filipino," aniya. "Kaya naman, katuwang din natin ang Kagawaran ng Kalusugan sa patuloy pang pagpapalawig ng ating mga serbisyo para sa kalusugang pangkaisipan."
Hinimok din ang mga indibidwal na nakararanas ng matinding mental distress o suicidal thoughts na gamitin ang 24/7 crisis hotlines, kabilang ang National Center for Mental Health hotline sa 0917-899-8727 o 989-8727 para sa agarang counseling.
Ayon kay Ledesma, bahagi ng inisyatibang ito ang pagtutok ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa komprehensibong pangangalaga sa kalusugan ng mga Pilipino.
"This initiative is part of our commitment to provide comprehensive healthcare services to our citizens, ensuring that mental health is given the attention it deserves," dagdag niya.
Patuloy na pinapalakas ng PhilHealth ang paghahatid ng accessible mental health services at ang pagpapalaganap ng mental health awareness sa bansa. Hinihikayat ng ahensya ang mga miyembro na gamitin ang mga benepisyo at huwag matakot humingi ng tulong kung kinakailangan.
