Palawan nagpasa ng 50-taong mining ban
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-03-07 12:35:20
Palawan, Philippines - Inaprubahan ng pamahalaang panlalawigan ng Palawan ang 50-taong pagbabawal sa pagbibigay ng bagong mining permits, isang hakbang na sinalubong ng malawakang suporta mula sa mga environmental advocates at lokal na residente.
Ang ordinansa, na kasalukuyang naghihintay ng pirma ni Gobernador Victorino Dennis Socrates, ay naglalayong protektahan ang likas na yaman at biodiversity ng lalawigan. Kilalang tinaguriang "huling ekolohikal na hangganan" ng Pilipinas, ang Palawan ay isang UNESCO biosphere reserve na tahanan ng iba’t ibang uri ng flora at fauna.
Gayunpaman, matagal nang naging sentro ng pagmimina ang lalawigan, lalo na para sa nickel, isang mahalagang sangkap sa paggawa ng electric vehicle batteries. Sa kabila nito, patindi nang patindi ang pagtutol ng mga lokal na residente sa pagmimina dahil sa pagkasira ng kagubatan, pagbaha, at pag-displace ng mga katutubong mamamayan.
Ayon sa environmental lawyer na si Grizelda Anda, hindi maaaring balewalain ng pambansang gobyerno ang desisyong ito ng lokal na pamahalaan. "The Philippine Mining Act of 1995 provides that you have to get the endorsement of the LGU (local government unit),” paliwanag ni Anda.
Kasama sa ordinansa ang 25-taong moratorium sa aplikasyon para sa renewal o pagpapalawak ng kasalukuyang mining licenses. Ang mga kasalukuyang operasyon ng pagmimina ay maaaring magpatuloy ngunit hindi maaaring magtaas ng produksyon o lumawak sa bagong mga lugar.
"This is a really big win not just for the people but for the environment, especially Palawan, which is our last frontier here in the Philippines," ayon kay Jonila Castro, spokesperson ng Kalikasan People's Network for the Environment.
Ipinahayag din ng 23-anyos na residente ng Palawan na si Jade Cabasag ang kanyang suporta, na nagsabing "We are more than just a sector that values our faith, but we also value our environment."
Sa kabila ng malawakang suporta, kinondena ng Chamber of Mines of the Philippines ang ordinansa, iginiit na labis ang pangamba sa epekto ng pagmimina. Ayon sa grupo, mayroon nang mahigpit na regulasyon sa ilalim ng kasalukuyang batas, at maaaring maapektuhan ang kakayahan ng bansa na magamit ang yamang-mineral nito, lalo na habang tumataas ang pandaigdigang pangangailangan sa mga kritikal na mineral.
Ang desisyon ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan ay patunay ng lumalawak na kamalayan at aktibismo ng mga residente pagdating sa pangangalaga ng kalikasan. Higit 100,000 katao ang lumagda sa isang petisyon na sumusuporta sa mining ban, patunay ng matinding pagtutol ng mga mamamayan sa bagong mining projects.
Habang naghihintay ang panukala ng pirma ng gobernador, umaasa ang mga tagasuporta na magsisilbi itong huwaran para sa iba pang lalawigan sa pagtatanggol ng kanilang likas na yaman.
Image Courtesy of I am One With Palawan Facebook Page
