Breaking: Dating Pangulong Duterte, arestado; nasa kustodiya ng mga otoridad
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-03-11 11:31:08
MAYNILA, Pilipinas, Marso 11, 2025 — Kumpirmado na nasa kustodiya na ng mga awtoridad si dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos matanggap ng Pilipinas ang opisyal na kopya ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC), ayon sa pahayag ng Philippine Communications Office (PCO).
Kinumpirma ng PCO na tinanggap ng INTERPOL Manila ang opisyal na kopya ng ICC arrest warrant kaninang madaling araw. Dumating si Duterte sa Maynila dakong 9:20 ng umaga sakay ng Cathay Pacific flight CX 907 mula Hong Kong, kung saan siya dumalo sa pagtitipon ng mga overseas Filipino workers (OFWs) kasama ang kanyang anak na si Pangalawang Pangulo Sara Duterte.
Pagdating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3, iniabot ng Tanggapan ng Prosecutor General kay Duterte ang abiso mula sa ICC at ang warrant of arrest para sa mga umano’y krimen laban sa sangkatauhan na may kaugnayan sa kanyang kampanya kontra droga noong kanyang administrasyon.
Ayon kay Senador Christopher "Bong" Go, kasalukuyan nang nasa kustodiya ng mga awtoridad si Duterte. Kumpirmado rin ng PCO na nasuri si Duterte ng mga doktor ng gobyerno pagdating at nasa maayos siyang kalusugan.
Dagdag pa ni Go, nakatakdang sumailalim si Duterte sa isang regular na medical check-up sa Marso 12 sa Cardinal Santos Medical Center, na pangangasiwaan ng kanyang personal na doktor sa loob ng dalawampung taon na si Dra. Agnes.
Bilang pagsunod sa mga patakaran, tiniyak ng PCO na ang mga pulis mula sa Philippine National Police (PNP) na nagsilbi ng warrant ay may suot na body camera habang isinasagawa ang operasyon.
Nauna nang sinabi ni Duterte habang nasa Hong Kong na handa siyang harapin ang anumang kasong ihain laban sa kanya at handa siyang arestuhin at makulong kung kinakailangan. Aniya, ginawa lamang niya ang kampanya kontra droga upang protektahan ang mga Pilipino.
Pinaalalahanan din ni Presidential Communications Undersecretary Claire Castro na handa ang mga ahensya ng gobyerno na ipatupad ang anumang legal na kautusan, kabilang na ang mga hiling mula sa INTERPOL. "Kung kailangan nating ipatupad ang warrant of arrest ayon sa kahilingan ng INTERPOL, gagawin ito ng pamahalaan basta’t ito ay naaayon sa batas," ani Castro.
Ang kampanya kontra droga ni Duterte, na sinimulan noong 2016, ay iniimbestigahan sa pandaigdigang antas dahil sa umano'y malawakang extra-judicial killings. Ayon sa mga human rights groups, aabot umano sa 30,000 ang napatay, habang ayon naman sa opisyal na tala ng pulisya, higit 6,000 ang napatay sa mga lehitimong operasyon.
Bagamat umatras na ang Pilipinas mula sa Rome Statute ng ICC noong 2019, nananatili ang hurisdiksyon ng ICC sa mga krimen na diumano’y naganap habang miyembro pa ng nasabing kasunduan ang bansa.
Larawan mula sa PCO
