Personal appearance requirement sa SIM registration, isinusulong ng NTC
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-03-11 10:32:08
MANILA, Philippines — Pinag-aaralan ngayon ng National Telecommunications Commission (NTC) ang pag-require sa mga Pilipino na personal na humarap sa pagrehistro ng kanilang SIM cards, bilang bahagi ng mungkahing amyenda para palakasin ang Subscriber Information Module (SIM) Registration Act.
Lumabas ang panukalang ito sa gitna ng patuloy na pagtaas ng mga text scam at pekeng SIM registration na nagiging problema para sa mga mobile users.
Ayon sa NTC, layunin ng personal appearance requirement na maayos ang mga butas sa kasalukuyang online-only registration system. “The proposal aims to introduce a personal appearance requirement for registration, similar to the requirements for driver’s licenses and National Bureau of Investigation (NBI) clearance applications,” pahayag ng komisyon.
Matagal nang tinutuligsa ng publiko ang online SIM registration dahil umano sa mga butas na sinusulit ng mga scammer. Kahit may batas na nagpaparusa ng hanggang anim na taon na pagkakakulong at multang Php 300,000, patuloy pa rin ang mga identity selling at SIM fraud.
Bilang bahagi ng kanilang mga hakbang, naglabas ang NTC ng Memorandum Order No. 010-09-2023, na nagbibigay ng bagong panuntunan sa paghawak ng user data sa ilalim ng SIM Registration Act.
Kabilang dito ang pag-uutos sa mga public telecommunications entities (PTEs) na palakasin ang kanilang SIM registration system at magpatupad ng mas mahigpit na proseso ng beripikasyon.
Iniutos din ng NTC sa mga telco na huwag pahintulutan ang clickable links sa person-to-person text messages bilang dagdag proteksyon laban sa phishing.
Nais ding amyendahan ng NTC ang batas upang limitahan ang bilang ng SIM cards na maaaring pagmamay-ari ng isang tao at regulahin ang mga ID na maaaring gamitin para sa SIM registration.
Kasama rin sa panukala ng NTC na obligahin ang mga ahensya ng gobyerno na nag-iisyu ng mga ID na magkaroon ng validation platform na maaaring ma-access ng mga telco para mapalakas ang seguridad ng SIM registration.
Habang patuloy ang mga scammer sa paghanap ng paraan para makalusot sa mga kasalukuyang safeguard, sinabi ng NTC na nakatuon ang kanilang ahensya sa pagpapalakas ng SIM registration system upang maprotektahan ang mga consumer at matiyak ang mas ligtas na komunikasyon.
