Mga kilos-protesta at dasal para kay Duterte, dagsa sa iba’t ibang lungsod
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-03-17 13:19:15
MANILA, Philippines, Marso 17, 2025 — Nagdaos ng malalaking rally at prayer vigil ang mga taga-suporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa iba't ibang bahagi ng bansa upang ipahayag ang kanilang pakikiisa at panawagan na pauwiin na si Duterte, na kasalukuyang nakakulong sa The Hague, Netherlands habang nililitis sa International Criminal Court (ICC) dahil sa kasong crimes against humanity kaugnay ng madugong kampanya kontra droga.
Sa Liwasang Bonifacio sa Maynila, mahigit 1,000 katao ang lumahok sa isang prayer rally noong Sabado, Marso 15, 2025, ayon sa Manila Police District. Naglagay ng mahigpit na seguridad para sa maayos at ligtas na pagdaraos ng programa na tampok ang live bands, sayawan, at mga talumpati mula kina Honeylet Avanceña, kinakasama ni Duterte, at ang anak nilang si Veronica “Kitty” Duterte.
Nagbigay din ng mensahe si dating presidential adviser Salvador Panelo sa harap ng mga nagtipon. Ani Panelo, “Upang ipamukha sa kanila na kataksilan ang pagkakakalulo ng dating president Duterte sa mga dayuhan… Kapag di sila nakinig, ‘yan ang simula ng pagbagsak ng pamahalaan.”
Sa Davao City, nagsagawa rin ng malaking pagtitipon kasabay ng pagdiriwang ng "Araw ng Dabaw." Pinangunahan ni Mayor Sebastian “Baste” Duterte ang “Solidarity Walk” noong Marso 16, 2025. Ayon kay Mayor Duterte, “I don’t understand what I am feeling. It has been a rollercoaster of emotions for me, but every time I see your support, it gives me strength.”
Sa Kidapawan City, halos 5,000 katao ang sumama sa prayer rally na ginanap sa kalsada sa tapat ng pampublikong palengke. Mayor Pao Evangelista ang nagbigay ng pahintulot para maisagawa ang pagtitipon.
Nagsagawa rin ng prayer rally at motorcade ang mga tagasuporta ni Duterte sa mga lungsod ng Butuan, Cotabato, Iligan, Koronadal, Tacurong, at Zamboanga City. Sa Iligan City, ilang Muslim residents ang sinunog ang larawan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang protesta sa naging pagtrato kay Duterte sa pag-aresto rito.
Sa Cebu, libo-libong tagasuporta ang nagtipon noong Marso 16, 2025. Sa Consolacion, Cebu, pinangunahan ni mayoral candidate Blesilda “Bingol” Villo ang isang candle-lighting at prayer rally na nilahukan ng higit 2,000 katao. Ayon kay Villo, “Atong giampo ang kalinaw sa atong nasud ug pagsinabtanay kay ang atong nasud murag nabuak tungod sa lain-laing opinyon ug huna-huna.”
Sa Lapu-Lapu City, si dating Mayor Paz Radaza ang nanguna sa prayer rally sa Barangay Mactan. Aniya, “I am urging the Oponganons to continue to pray for Tatay Digong. This is the only weapon we can do to help him with his current situation. He needs our prayers more than ever, mao nga padayon gyud ta sa pag-ampo para niya.”
Samantala, sa Mabolo Church at Plaza Independencia sa Cebu City, nagtipon din ang isang grupo na pinangunahan nina gubernatorial candidate Pamela Baricuatro at dating Cebu City Mayor Michael Rama para sa isang misa at Unity Walk. Ayon kay Baricuatro, “For us no, niingon man pud si President Duterte nga relax lang and we also advocate for sovereignty. Of course we’ll follow the rule of law, the rule of God. We will oblige kun unsay naa sa balaod.”
Ayon sa Philippine National Police (PNP), naging mapayapa ang lahat ng rally sa buong bansa at walang naitalang insidente ng kaguluhan. Patuloy umano ang kanilang pagsubaybay sa seguridad ng mga kilos-protesta.
Hindi lamang sa Pilipinas ginanap ang mga rally, kundi maging sa United States, kung saan may mga nagsagawa ng prayer rally sa harap ng Philippine Embassy at Consulate bilang panawagan na palayain si Duterte mula sa pagkakakulong sa The Hague.
Image from Mary Grace Almero Marimla
