Pirmado na ni PBBM ang mga Batas na Nagpapalawak sa Serbisyo ng LTO
Jaybee Co-Ang Ipinost noong 2025-03-24 10:41:59
Pinirmahan na ni President Ferdinand Marcos Jr. ang ilang mga bagong batas na naglalayong palawakin at gawing mas maayos ang serbisyo ng Land Transportation Office (LTO) sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Sa pamamagitan ng mga batas na ito, magtatayo ng mga bagong district office, iko-convert ang mga extension office para maging regular na district office, at ia-upgrade ang ilang LTO offices para mas makapagserbisyo sa mga motorista at transport sector.
Pagpapatayo ng mga Bagong LTO Offices
Isa sa mga batas na pinirmahan ay ang Republic Act No. 12126, na nagtatayo ng bagong LTO District Office sa bayan ng Sulop, Davao del Sur. Layunin nito na gawing mas madali at mas mabilis ang pag-access sa LTO services ng mga taga-Sulop. Ganun din, ang Republic Act No. 12134 ay nagtatayo ng regular na LTO district office sa bayan ng Maayon, sa Capiz, para matugunan ang lumalaking pangangailangan ng transportasyon sa lugar.
Pag-convert ng Extension Offices sa District Offices
May mga batas ding nagko-convert sa ilang LTO extension offices para maging regular district offices, para mas mapalawak ang serbisyo at mas mapabilis ang proseso:
• RA No. 12125, para gawing regular district office ang Sindangan Extension Office sa Zamboanga del Norte.
• RA No. 12127, para gawing regular district office ang Gattaran Extension Office sa Cagayan.
• RA No. 12128, para gawing LTO District Office ang Taal Extension Office sa Batangas.
• RA No. 12133, para gawing district office ang Naguilian Extension Office sa La Union.
Pagtaas ng Classifications ng Mga LTO Offices
Meron ding mga bagong batas na nagtaas ng classification ng ilang LTO offices, ibig sabihin mas dadagdagan ang pondo, equipment, at tao para mas mapaganda ang serbisyo:
• RA No. 12129, ina-upgrade ang LTO District Office sa Digos City, Davao del Sur, mula Class “D” papuntang Class “C.”
• RA No. 12130, ina-upgrade ang LTO Urdaneta District Office para maging Class “A” at papalitan na rin ang pangalan nito bilang LTO Binalonan District Office.
• RA No. 12131, ina-upgrade ang LTO District Office sa Candon City, Ilocos Sur, papuntang Class “B.”
• RA No. 12132, ina-upgrade ang LTO District Office sa Lingayen, Pangasinan, papuntang Class “B.”
Ipinapakita ng mga batas na ito na seryoso ang gobyerno sa pagpapalawak at pagpapaganda ng serbisyo ng LTO sa buong bansa. Dahil dito, mababawasan ang siksikan sa ibang LTO branches, mapapabilis ang proseso ng rehistro ng sasakyan at pagkuha ng lisensya, at mas mapapalakas ang pagpapatupad ng mga batas trapiko.
Ang pondo para sa pagtatayo, conversion, at upgrading ng mga offices na ito ay manggagaling sa annual General Appropriations Act at iba pang pondo mula sa gobyerno.
Larawan mula sa LTO Facebook Page
