Mga Batas Laban sa Korapsyon at Political Disorder
Jaybee Co-Ang Ipinost noong 2025-03-24 12:01:10
MANILA, Philippines — Kamakailan ay lumabas ang isang bagong Pulse Asia survey na maraming Pilipino na ang tingin sa politika ay magulo, korap, at puro pansariling interes. Kaya mahalaga ang mga batas ng Pilipinas na nilikha para tugunan ang mga problemang ito at isulong ang integridad at transparency sa pamahalaan.
Isa sa mga batas na ito ay ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act (Republic Act No. 3019). Ginawa ito para pigilan ang korapsyon sa mga opisyal ng gobyerno. Pinagtibay noong 1960, tinutukoy at pinaparusahan nito ang iba’t ibang uri ng korapsyon gaya ng panunuhol, pang-aabuso sa kapangyarihan, at hindi maipaliwanag na yaman. Pinapaalala ng batas na ang posisyon sa gobyerno ay isan public trust, kaya dapat maging tapat at may integridad ang sinumang nasa serbisyo. Nakalista rito ang labindalawang anyo ng korapsyon, isa na rito ang pagtanggap ng regalo dahil may posisyon at koneksyon, pagkiling o kapabayaan. Malaking tulong ito sa pananagot ng ilang opisyal, pero nananatiling hamon ang pagpapatupad ng batas dahil sa systemic issues.
Kasabay nito, mayroon ding Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees (Republic Act No. 6713), na naisabatas noong 1989. Inilalatag nito ang pamantayan ng integridad at pananagutan para sa mga kawani ng gobyerno. Inaatasan nito ang lahat na maghain ng kanilang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) at pinapalaganap ang propesyonalismo, pagmamahal sa bayan, katarungan, at kababaang-loob sa serbisyo publiko. Malinaw ang utos ng batas na ang mga nasa gobyerno ay dapat maging tapat, umiwas sa conflict of interest, at rumespeto sa karapatang pantao. Gayunman, base sa survey, marami pa rin ang hindi nakakasunod dito.
Para labanan ang illegal na gawain, ipinatupad ang Anti-Money Laundering Act (Republic Act No. 9160) noong 2001. Layunin nito na protektahan ang integridad ng ating financial system laban sa money laundering, at magpatupad ng mga proseso para i-report ang kahina-hinalang transaksyon. Binibigyan nito ng kapangyarihan ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) para matunton ang financial crimes. Pero kahit may ganitong batas, patuloy pa rin ang mga malalaking kaso ng korapsyon na nagpapakita na kailangan pang higpitan ang pagpapatupad.
Samantala, ang Local Government Code of 1991 (Republic Act No. 7160) naman ay naglalayong bigyan ng higit na kapangyarihan at responsibilidad ang mga local government units (LGUs). Sa pamamagitan ng devolution, binibigyan ang mga LGUs ng mas malaking kontrol sa pondo at desisyon. Ang hangarin ay mas mapalapit ang serbisyo ng gobyerno sa tao. Pero nananatili rin ang problema ng political dynasty, patronage politics, at kawalan ng pananagutan na syang nakikita ng publiko.
Dahil sa matagal nang isyu ng pandaraya sa halalan at vote buying, naisabatas naman noong 2007 ang Republic Act No. 9369, na nagpakilala sa Automated Election System (AES). Layunin nitong gawing mas maayos, mabilis, at malinis ang bilangan ng boto. Nagsimula ito noong 2010 elections at naging malaking hakbang sa pagbilis ng election results. Pero hanggang ngayon, may mga alalahanin pa rin sa integridad ng sistema, mga aberya, at transparency sa proseso ng procurement ng election machines.
Kahit may mga ganitong batas na, malinaw sa Pulse Asia survey na maraming Pilipino ang dismayado pa rin sa takbo ng politika. Ang tingin pa rin ng marami ay magulo, korap, at para lang sa sarili ang mga nasa pwesto. Malaking hamon ito para sa mga namumuno na ipakita na hindi lang ito batas sa papel, kundi batas na sinusunod at ipinapatupad.
Para manumbalik ang tiwala ng taumbayan, hindi sapat ang pagkakaroon ng batas — kailangan din ang political will, seryosong pagpapatupad, at mabilis na hustisya. Kung mabagal na proseso at walang pananagutan, mananatili ang kawalan ng tiwala.
Kailangan ding paigtingin ang edukasyon sa pagboto at hikayatin ang kabataan na pahalagahan ang mabuting pamamahala. Ang mas aktibong partisipasyon ng mga mamamayan ay makakatulong para mapilitang sumunod ang mga opisyal sa batas.
Malaki rin ang papel ng teknolohiya at transparency tools — tulad ng online SALN submission at mga transparency portals — pero kailangan itong bantayan para hindi maabuso.
Sa huli, ang mga batas tulad ng mga nabanggit ay hindi lamang palamuti kundi mga pundasyon ng demokrasya, mabuting pamamahala, at pananagutan. Pero ang tunay na lakas nito ay nasa mga lider at bawat Pilipinong handang sumunod at magpatupad.
Malaking hamon ito, pero kung gugustuhin, posible. Para umunlad ang bansa at mawala ang label na "magulo" at "korap" ang ating politika, kailangang magtulungan ang gobyerno at mamamayan na isabuhay ang mga prinsipyong ito. Sa ganitong paraan lang natin makakamit ang isang tunay na maayos, demokratiko, at tapat na pamahalaan.
Larawan mula sa Pixabay
