LRT-1, pinalawig ang weekday hours simula Marso 26
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-03-25 11:22:23
Marso 25, 2025 – Inanunsyo ng Light Rail Manila Corporation (LRMC), ang operator ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1), ang pagpapalawig ng weekday operating hours nito simula Marso 26, 2025.
Layunin ng hakbang na ito na maserbisyuhan ang mas maraming pasahero at mapabuti ang accessibility para sa mga commuter na bumibiyahe sa gabi.
Sa isang pahayag, binigyang-diin ni LRMC President and CEO Enrico Benipayo ang kahalagahan ng bagong iskedyul bilang suporta sa panawagan ng Department of Transportation (DOTr) para sa mas mahabang serbisyo.
“LRMC supports the call of the Department of Transportation to provide extended service for the benefit of the riding public. In coming up with the new operating schedule, we also considered how the extension period will also not significantly impact the available maintenance window to ensure continuous availability, reliability, and safety of our service,” ani Benipayo.
Batay sa bagong iskedyul, ang huling tren mula sa Dr. Santos Station ay aalis ng 10:30 PM, 30 minuto na mas huli kumpara sa dating 10:00 PM na iskedyul. Gayundin, ang huling tren mula sa Fernando Poe Jr. Station ay aalis ng 10:45 PM, mula sa dating 10:15 PM.
Hindi naman magbabago ang oras ng unang tren: magsisimula pa rin ito ng 4:30 AM tuwing weekdays at 5:00 AM tuwing weekends at holidays.
Pinayuhan ng LRMC ang mga pasahero na planuhin ang kanilang biyahe dahil ang mga ticket booth ay magsasara limang minuto bago umalis ang huling tren sa bawat istasyon.
Tiniyak din ng operator na patuloy nitong babantayan ang sitwasyon at magpapatupad ng mga inisyatiba upang mapabuti pa ang serbisyo.
“We shall continue to monitor the situation and adjust accordingly, and rest assured that we will continue to implement initiatives that will allow us to better serve our passengers,” dagdag ni Benipayo.
Ang anunsyong ito ay kasunod ng parehong hakbang ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3), na nagpalawig rin ng kanilang operating hours ng isang oras simula Marso 24, 2025. Bahagi ito ng patuloy na pagsisikap na mapahusay ang pampublikong transportasyon sa Metro Manila.
