Diskurso PH
Translate the website into your language:

Sundin ang power bank safety rules para sa mas ligtas na flights — CAAP

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-03-26 13:35:21 Sundin ang power bank safety rules para sa mas ligtas na flights — CAAP

MARCH 26, 2025 — Nagdadala ka ba ng power bank sa biyahe? May mahahalagang patakaran ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na hindi dapat balewalain. Dahil maaaring magdulot ng panganib ang lithium batteries sa eroplano, pinapaalalahanan ang mga pasahero na suriin mabuti ang kanilang mga gadget bago pumunta sa airport.

Hindi lahat ng power bank ay pwede sa hand-carry. Kung lumampas sa 160 watt-hours (Wh) ang capacity nito, huwag nang dalhin. Ang mga power bank na 100Wh pababa ay pwede sa hand-carry, pero ang mga nasa pagitan ng 100Wh at 160Wh ay kailangan ng approval mula sa airline.

Bakit mahigpit ang mga patakarang ito? Ang sira o mumurahing power bank ay maaaring mag-overheat o magliyab, lalo na sa ilalim ng cabin pressure.

"These safety protocols are provided under Philippine Civil Aviation Regulations (PCAR) and are in line with International Civil Aviation Organization (ICAO) Technical Instructions for the Safe Transport of Dangerous Goods by Air," giit ng CAAP.

(Ang mga alituntunin sa kaligtasan ay bahagi ng Philippine Civil Aviation Regulations (PCAR) at sumusunod sa International Civil Aviation Organization (ICAO) Technical Instructions for the Safe Transport of Dangerous Goods by Air.)

Bago mag-empake, siguraduhing walang sira ang power bank. Kung ito’y namamaga, basag, o mukhang luma, mas mabuting palitan na lamang ito or huwag nang dalhin. Haharangin ng airlines at security ang mga delikadong gamit, kaya’t mas mainam na huwag nang magtangka pa na madala ang mga ito sa biyahe.

Nagsisimula ang ligtas na biyahe sa maingat na paghahanda. Laging tandaan: sumunod sa mga patakaran para walang aberya sa byahe.

 

(Larawan: Aviation Updates Philippines)