Diskurso PH
Translate the website into your language:

Asylum process ni Harry Roque, nagsimula na

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-03-31 10:27:24 Asylum process ni Harry Roque, nagsimula na

Marso 31, 2025 – Pormal nang inihain ni dating presidential spokesperson Harry Roque ang kanyang asylum application sa Immigratie en Naturalisatie Dienst (IND), ang immigration bureau ng Netherlands, bilang bahagi ng kanyang paghingi ng proteksyon.

Matapos ang ilang buwang pagtatago, inilarawan ni Roque ang kanyang emosyon nang matanggap ang aplikasyon sa Ter Apel, ang pasilidad kung saan nagsisimula ang proseso para sa lahat ng asylum seekers.

"Umiyak ako. Humagulgol ako," aniya sa Filipino, habang inaalala ang sandaling natanggap ang kanyang aplikasyon. Nagrehistro siya sa Ter Apel noong Marso 19, 2025, at kinumpirma niyang sumailalim na siya sa unang panayam makalipas ang ilang araw.

Binigyang-diin niya na ang opisyal na pagtanggap sa kanyang aplikasyon ay nagbibigay sa kanya ng proteksyon sa ilalim ng prinsipyo ng non-refoulement, na nagbabawal sa pagpapabalik ng sinumang tao sa bansa kung saan nanganganib siyang maparusahan o usigin.

Ngunit tumitindi ang pagtutol sa kanyang asylum bid, mula sa loob ng Pilipinas at maging sa Filipino community sa Netherlands. Si Joel Vega, isang Filipino-Dutch writer, ang nanguna sa kampanya laban sa aplikasyon ni Roque. Tinawag niya itong “mapanlinlang na estratehiya” upang takasan ang mga kaso sa Pilipinas.

Nagpadala si Vega ng liham sa IND at naglunsad ng online petition na nakakalap na ng mahigit 21,000 lagda.

Nagpahayag din ang pamahalaan ng Pilipinas ng kahandaang magsumite ng ebidensya na hindi politically persecuted si Roque. Ayon sa isang undersecretary ng Department of Foreign Affairs, “We will provide all necessary documentation to prove that Mr. Roque is not facing political persecution in the Philippines”.

Sa kasalukuyan, nahaharap si Roque sa mga reklamong human trafficking na isinampa sa Department of Justice kaugnay ng umano'y pagkakasangkot niya sa operasyon ng isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub.

Nagtago si Roque matapos magpalabas ng arrest order ang quad committee ng House of Representatives, matapos siyang i-cite in contempt dahil sa kabiguang magsumite ng mga dokumento na magpapaliwanag sa kanyang biglaang pagyaman.

Sa kabila ng mga hadlang, umaasa pa rin si Roque sa magiging resulta ng kanyang aplikasyon. “No more hiding... I was sobbing because this was the first time in 16 months that I wasn’t hiding from the police,” ani Roque. Naghihintay siya ngayon ng ikalawang panayam, na maaaring abutin ng ilang buwan hanggang isa’t kalahating taon ang proseso.

Larawan: Screengrab mula sa One News