Lola Amour, nagreklamo sa paggamit ng hit song bilang campaign jingle nang walang pahintulot
Ipinost noong 2025-03-31 10:27:20
Marso 31, 2025 — Ang Lola Amour ay naglabas ng kanilang saloobin tungkol sa paggamit ng kanilang hit song na "Raining in Manila" bilang campaign jingles nang walang pahintulot.
Sa X (dating Twitter), binigyang-diin ng banda ang unauthorized na paggamit ng kanilang musika sa political campaigns. "Btw guys, this happened before and I guess it’s happening again: All of the campaign jingles using our songs do not have our consent. Vote wisely (Btw guys, nangyari na ito dati at mukhang nangyayari ulit: Lahat ng campaign jingles na gumagamit ng kanta namin ay walang pahintulot namin. Mag-isip nang mabuti sa pagboto)," post ng banda.
Ang pahayag na ito ay kasunod ng komento ng isang user na nagsabing nagsisimula na silang magsawa sa kanta dahil sa koneksyon nito sa campaign jingles.
Ang "Raining in Manila," na inilabas noong 2024, ay mabilis na naging hit at nakakuha ng admiration mula sa international artists tulad nina Enhypen’s Jake at GOT7’s Bambam, na nakitang nagja-jam sa kanta.
Ang kasikatan ng kanta ay nagbigay inspirasyon din kay Kapuso Comedy Genius Michael V., na gumawa ng parody na pinamagatang "Waiting Here sa Pila," na nakakatawang naglalarawan ng karanasan ng mga tao sa pagpila para sa kape.
Larawan: Lola Amour/Facebook
