Presyo ng asukal bumaba sa gitna ng pagtaas ng lokal na demand, pagbaba ng imports
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-04-03 16:58:00
ABRIL 3, 2025 — Magandang balita para sa mga konsyumer: bumaba ang presyo ng asukal sa merkado, ayon sa Sugar Regulatory Administration (SRA). P73 kada kilo na lang ang raw sugar, mas mababa ng 11% kumpara noong nakaraang buwan, samantalang P76 naman ang washed sugar pagkatapos bumaba ng 12%. Bahagyang nabawasan din ang refined sugar sa P86 kada kilo, na halos pareho pa rin ang presyo sa nakalipas na dalawang taon.
Ipinaliwanag ni SRA Administrator Pablo Luiz Azcona na dahil ito sa patuloy na ani ngayong harvest season. Halos pareho pa rin ang farmgate price kumpara noong nakaraang taon.
"Harvest season pa po ngayon. So sa presyohan po, yung presyo sa farmers natin tumaas siya and nasa level siya more or less the same as last year at the same time po," aniya sa isang briefing.
Nagbago rin ang demand ng asukal. Bumaba ng 4% ang kabuuang konsumo ng refined sugar, pero lumobo naman ng 22% ang demand sa lokal na asukal. Sa kabilang banda, bumagsak ng 32% ang pagbili ng imported sugar.
Binigyang-diin ni Azcona ang kahalagahan ng tamang pagsubaybay sa importasyon. "Hindi po para kontrolin ang imports, kundi para malaman kung ilan talaga ang pumapasok," dagdag niya.
Samantala, ang mga nakumpiskang iligal na imported sugar ay ipinamimigay sa Department of Agriculture o ibinebenta sa public auction ng customs.
Itinutulak pa rin ng SRA ang mas mahigpit na taripa para protektahan ang mga lokal na magsasaka laban sa mga mapagsamantalang trader. Noong Disyembre, sumuporta ang ahensya sa imbestigasyon sa umano’y price manipulation nang biglang bumaba ang farmgate rates.
Sa kasalukuyan, maganda ang takbo at hinaharap ng industriya ng asukal sa bansa.
(Larawan: Philippine News Agency)
