Bullying sa Bagong Silangan: Panawagan sa Mahigpit na Pagpapatupad ng Batas Para sa Proteksyon ng mga Bata
Jaybee Co-Ang Ipinost noong 2025-04-05 22:49:50
Kamakailan lang, isang nakakagulat na video ang kumalat sa social media kung saan makikita ang isang Grade 8 student mula sa Bagong Silangan High School sa Quezon City na binu-bully ng kanyang mga kaklase. Sa video, kitang-kita kung paano siya pinalibutan, pinagtawanan, tinakot, at hinila sa buhok habang may mga estudyanteng nakapaligid na walang ginagawa kundi manood at tumawa.
Marami ang nabahala, nagalit, at agad nanawagan ng hustisya. Ang insidente ay malinaw na halimbawa kung paanong ang ilang paaralan ay hindi pa rin sapat ang ginagawa para siguraduhin ang kaligtasan at kapakanan ng mga estudyante. Hindi lang ito simpleng “away-bata”, ito ay pang-aabuso na may malalim na epekto sa emosyonal at mental na kalusugan ng biktima.
Agad namang kumilos ang Department of Education (DepEd) at inatasan ang paaralan na imbestigahan ang insidente. Ayon sa DepEd, pinatawag ang Child Protection Committee (CPC) ng paaralan at inirekomenda ang psychosocial support para sa biktima at mga sangkot na estudyante. Maging si Secretary Sonny Angara ay humingi ng tulong mula sa Quezon City Police District – Women and Children Protection Desk upang matiyak ang maayos at makataong paghawak sa kaso.
Ngunit habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, mahalagang tanungin natin, may mga umiiral na batas na para dito bakit nangyayari pa rin ang ganito?
RA 10627 – Anti-Bullying Act of 2013
Ang Republic Act No. 10627, o mas kilala bilang Anti-Bullying Act, ay naipasa noong 2013 upang labanan ang lahat ng uri ng bullying sa mga paaralan. Ayon sa batas, ang bullying ay anumang malubha o paulit-ulit na akto—maaaring pisikal, berbal, cyber, o emosyonal—na layuning saktan, takutin, o ihiwalay ang isang estudyante.
Lahat ng elementary at secondary schools—public man o private—ay inaatasang bumuo ng anti-bullying policy. Kailangan malinaw sa patakaran ang mga sumusunod:
-
Ano-ano ang mga uri ng bullying (hal. physical, verbal, social, cyber, gender-based)
-
Paano mag-uulat ng insidente
-
Ano ang proseso ng imbestigasyon
-
Paano mapaparusahan ang gumagawa ng bullying
-
Ano ang suporta na ibibigay sa biktima at pati sa nang-bully
Obligado rin ang mga paaralan na protektahan ang mga nagsusumbong at saksi laban sa anumang retaliation o pananakot. Kung mapatunayang pinabayaan o binalewala ng school officials ang kaso ng bullying, maaari silang managot sa ilalim ng batas.
DepEd Child Protection Policy (DepEd Order No. 40, s. 2012)
Bago pa man ang Anti-Bullying Act, ipinatupad na ng DepEd ang Child Protection Policy sa pamamagitan ng DepEd Order No. 40, s. 2012. Layunin nitong bigyan ng gabay ang mga paaralan sa pagpapatupad ng child-friendly environment na walang karahasan, diskriminasyon, o pang-aabuso.
Kabilang sa mandato nito ang pagbubuo ng Child Protection Committee (CPC) sa bawat paaralan. Ang CPC ang dapat unang tumugon sa anumang ulat ng pang-aabuso o bullying. May tungkulin din itong magsagawa ng imbestigasyon, magrekomenda ng aksyon, at tiyakin ang proteksyon ng mga sangkot na estudyante.
Inaatasan din ng patakarang ito ang mga guro na dumaan sa training sa positive discipline at pagtukoy ng mga warning signs ng abuso at bullying. Sa kaso ng Bagong Silangan, malaking tanong ngayon kung aktibo ba ang CPC ng paaralan bago pa man mangyari ang insidente—at kung sinusunod ba talaga ng paaralan ang mga alituntunin ng DepEd.
RA 7610 – Special Protection of Children Against Abuse
Bukod sa dalawang batas na ito, may isa pang mahalagang batas—ang RA 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act. Layunin nitong protektahan ang mga bata laban sa lahat ng anyo ng pang-aabuso—kasama na ang emotional at psychological harm na dala ng bullying.
Sa ilalim ng RA 7610, maaaring managot ang school personnel kung napatunayang pinabayaan nila ang tungkulin nilang protektahan ang estudyante. Mahalaga ring tandaan na ang mga malulubhang kaso ng bullying ay maaaring ituring na child abuse, lalo na kung nagdulot ito ng matinding trauma o takot sa biktima.
Anong Dapat Gawin ng Mga Paaralan, Magulang, at Estudyante?
Ang mga paaralan ang unang dapat kumilos. Dapat may aktibong Child Protection Committee, malinaw na mga patakaran, at agarang aksyon sa tuwing may ulat ng bullying. Hindi sapat ang pangako o pahayag, kailangan ay kongkretong pagkilos, mula sa imbestigasyon hanggang sa psychosocial support. Dapat ding regular ang awareness campaigns at values education sa loob ng klase.
Ang mga magulang, sa kabilang banda, ay kailangang maging aktibo ring tagapagbantay. Makipag-usap sa anak, tanungin kung may kakaibang nangyayari, at bantayan ang pagbabago sa asal o ugali. Kung ang anak ay biktima, tulungan siyang magsalita at ipaglaban ang kanyang karapatan. Kung ang anak naman ang nambubully, responsibilidad pa rin ng magulang na turuan ng tamang asal at respeto.
Ang mga estudyante ay may mahalagang papel din. Kailangan nilang malaman na karapatan nilang maging ligtas sa paaralan. Dapat silang hikayatin na magsumbong kung may nakikita o nararanasang bullying. Huwag rin silang makiisa sa pagpapakalat ng video o paninira sa social media, dahil bahagi na rin ito ng cyberbullying.
Larawan mula sa Pixabay
