Russian YouTuber Vitaly Zdorovetskiy, kinasuhan ng unjust vexation at attempted theft
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-04-05 11:37:19
April 5, 2025 — Humaharap sa ilang kaso ang Russian-American YouTuber na si Vitaly Zdorovetskiy, na kilala sa kanyang kontrobersyal na mga prank. Kinasuhan siya ng unjust vexation, alarm and scandal, at attempted theft matapos ang mga insidente sa kanyang livestream, ayon sa reklamo ng mga security officers at guards sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig City.
Kinumpirma ni National Capital Region Police Office (NCRPO) spokesperson Police Major Hazel Asilo ang mga reklamo. “The complaints were filed by security officers and guards at Bonifacio Global City (BGC) in Taguig City. Vitaly Zdorovetskiy is now facing complaints for unjust vexation, alarm and scandal, as well as attempted theft after reportedly harassing Filipinos in his livestream,” aniya.
Naglabas ang Bureau of Immigration (BI) ng Mission Order for Undesirability laban kay Zdorovetskiy, dahilan ng kanyang pag-aresto sa isang hotel sa Pasay City nitong Miyerkules. Ipinaliwanag ni CIDG Chief Police Major General Nicolas Torre III, “The vlogger allegedly harassed Filipinos and displayed ‘disruptive behavior’ during his livestream at BGC.”
Umani ng matinding batikos online ang mga ginawa ni Zdorovetskiy, kabilang ang pagnanakaw ng sombrero ng mga guwardya at pagsakay sa patrol motorcycle. Iniulat din na nagbanta siya sa isang Filipina na pagnanakawan at inisulto ito sa pagsusuot ng face mask. Nakadokumento ang mga insidenteng ito sa kanyang vlog na may pamagat na “Vitaly disturbing the peace in the Philippines.”
Binigyang-diin ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang kahalagahan ng pananagutan ng mga dayuhang bisita sa kanilang mga kilos. “The Philippines welcomes visitors from all over the world, but those who abuse our hospitality and violate our laws will be held accountable,” aniya.
Kasalukuyang nakakulong si Zdorovetskiy sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City habang hinihintay ang kanyang deportation proceedings. Kabilang sa mga reklamo laban sa kanya ang tatlong kaso ng unjust vexation alinsunod sa Cybercrime Prevention Act, dalawang kaso ng theft, at isang kaso ng attempted theft.
Tiniyak ng mga awtoridad sa publiko na magpapatupad sila ng karampatang aksyon upang tugunan ang insidente at maiwasan ang mga katulad na pangyayari sa hinaharap.
Image courtesy of Medium
