DepEd, nagbigay ng 30-araw na flexible vacation break para sa mga guro
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-04-07 16:42:29
April 7, 2025 — Inanunsyo ng Department of Education (DepEd) ang 30-araw na tuloy-tuloy na flexible vacation para sa mga guro upang mabigyan sila ng nararapat na pahinga matapos ang taon ng pasukan. Ipinatupad ang polisiya sa pamamagitan ng isang binagong DepEd Order na naglalayong itaguyod ang kapakanan ng mga guro at balanse sa buhay at trabaho.
Sa ilalim ng bagong patakaran, maaaring itakda ng mga guro ang kanilang 30-araw na bakasyon mula Abril 16 hanggang Hunyo 1, 2025. Maaaring kunin ang bakasyon nang tuloy-tuloy o paisa-isa, depende sa kagustuhan ng guro.
Nilinaw ng DepEd na saklaw din ng polisiya ang mga guro sa Alternative Learning System (ALS) at mga nagtuturo ng Arabic Language and Islamic Values Education (ALIVE).
"This break is a well-deserved opportunity for our learners and teachers to relax after a long academic year. I hope they spend this time wisely, unwinding with their families and loved ones, and return to work energized for the new school year," pahayag ni DepEd Secretary Sara Duterte.
Sa panahon ng bakasyon, hindi obligadong lumahok ang mga guro sa anumang aktibidad na may kaugnayan sa paaralan, kabilang na ang Performance Management Evaluation System (PMES).
Pinapayagan silang isumite ang kanilang electronic Individual Performance Commitment and Review Form (eIPCRF) sa pagtatapos ng unang buwan ng school year 2025–2026. Para sa mga gurong nagnanais mag-apply para sa promosyon, maaaring isumite ang kanilang performance evaluations bago ang huling araw ng klase.
Boluntaryo lamang ang pagsali sa mga professional development activity o summer training, at isasaayos ito sa labas ng itinakdang vacation period. Ang mga gurong pipiling lumahok ay makakatanggap ng Vacation Service Credits (VSC) bukod pa sa 30-araw na pahinga.
Gayunman, hindi saklaw ng bakasyong ito ang mga school head, dahil sila ang inatasang mangasiwa sa operasyon ng paaralan habang bakasyon. May karapatan silang tumanggap ng vacation at sick leave credits sa nasabing panahon.
Habang nasa kanilang 30-araw na bakasyon, may opsyon ang mga guro na bumisita sa paaralan o lumahok sa mga aktibidad gaya ng halalan sa Mayo 2025 at mga paligsahan sa isports.
Image Courtesy of DepEd
