Diskurso PH
Translate the website into your language:

Google Maps, inilagay ang West Philippine Sea sa rekord

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-04-14 16:22:09 Google Maps, inilagay ang West Philippine Sea sa rekord

Abril 14, 2025 — Opisyal nang kinilala ng Google Maps ang "West Philippine Sea" bilang bahagi ng kanilang platform, kasabay ng opisyal na pagtukoy ng pamahalaan ng Pilipinas sa bahagi ng South China Sea.

Kinumpirma ang pagbabagong ito nitong Lunes, matapos mapansin ng mga user ang label na “West Philippine Sea” sa mga lugar tulad ng Scarborough Shoal at Kalayaan Island Group kapag hinahanap sa mapa.

Noong 2012, ipinasa ng pamahalaan ang Administrative Order No. 29, na nagtatakda sa mga bahagi ng karagatan sa kanlurang bahagi ng Pilipinas bilang West Philippine Sea. Ayon sa kautusan: "The maritime areas on the western side of the Philippine archipelago are hereby named as the West Philippine Sea.”

Itinuturing na mahalagang hakbang ang ginawang update ng Google Maps bilang pagkilala sa karapatan ng Pilipinas sa naturang teritoryo. Noong 2016, nagpasiya ang Permanent Court of Arbitration sa The Hague na "no legal basis" ang malawakang pag-aangkin ng China sa South China Sea. Kabilang sa mga pinagtibay na sakop ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas ang Ayungin Shoal, Mischief Reef, at Reed Bank.

Tinanggap ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang update at itinuring itong mahalaga sa pagsusulong ng karapatan ng bansa sa karagatan. Ayon sa opisyal ng DFA, "This recognition by Google Maps is a step forward in promoting the use of the term 'West Philippine Sea' in both domestic and international contexts."

Nag-ugat ng maraming talakayan sa social media ang update, at para sa maraming Pilipino, isa itong tagumpay ng soberanya ng bansa. Samantala, wala pang pahayag ang pamahalaan ng China ukol sa update ng Google Maps.

Tiniyak ng DFA ang patuloy na pagtatanggol ng bansa sa karapatang pandagat nito. Anila, "We will continue to uphold our sovereignty and jurisdiction in the West Philippine Sea.”