SWS: Karamihan pa rin sa mga pamilyang Pilipino itinuturing ang sarili na mahirap
Ipinost noong 2025-04-14 10:59:52
April 13, 2025 — Ayon sa pinakabagong nationwide survey ng Social Weather Stations (SWS), 52 porsyento ng mga pamilyang Pilipino—or tinatayang 14.4 milyon na kabahayan—ang nagsabing mahirap sila noong Marso 2025. Bahagyang tumaas ito kumpara sa 51 porsyento noong Pebrero at 50 porsyento noong Enero, pero mas mababa na ito sa 63 porsyentong naitala noong Disyembre 2024.
Base sa survey, 12 porsyento ng mga respondents ang nagsabing sila ay “borderline”—o nasa gitna ng pagiging mahirap at hindi mahirap—habang 36 porsyento naman ang nagsabing hindi sila mahirap.
Ipinakita rin sa resulta ng survey ang pagkakaiba-iba sa antas ng kahirapan depende sa rehiyon. Ang Visayas ang may pinakamataas na self-rated poverty sa 62 porsyento, sinundan ng Mindanao na may 60 porsyento. Sa Luzon (hindi kasama ang Metro Manila), 46 porsyento ang nagsabing mahirap sila, habang pinakamababa sa Metro Manila na may 41 porsyento.
Kasabay ng pagtaas ng self-rated poverty, tumaas din ang insidente ng kagutuman sa mga pamilyang Pilipino. Sa mga nagsabing mahirap sila, 35.6 porsyento ang nakaranas ng gutom noong Marso—mas mataas ito sa 26.4 porsyento noong Pebrero. Tumaas din ang kagutuman sa mga hindi mahirap, mula 16.2 porsyento noong Pebrero patungong 18.3 porsyento nitong Marso.
Tugma ang mga numerong ito sa hunger rate na iniulat sa naunang SWS survey na inilabas noong Marso 29, kung saan 27.2 porsyento ng mga Pilipino ang nakaranas ng gutom.
Ang pinakahuling self-rated poverty survey ay isinagawa mula Marso 15 hanggang 20 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,800 respondents sa buong bansa. May margin of error ito na ±2.31 percentage points sa national level, ±3.27 points para sa Luzon (maliban sa Metro Manila), at ±5.66 points naman sa Metro Manila, Visayas, at Mindanao.
Ayon sa SWS, ang survey ay non-commissioned at isinagawa nang independiyente bilang bahagi ng kanilang patuloy na pagsubaybay sa pananaw ng publiko tungkol sa kahirapan at kalagayang panlipunan sa bansa.
