Diskurso PH

13 sugatan sa banggaan ng bus, truck sa NLEX


Margret Dianne Fermin • Ipinost noong 2025-04-16 14:01:44
13 sugatan sa banggaan ng bus, truck sa NLEX

Abril 16, 2025 — Labintatlong katao ang nasugatan matapos bumangga ang isang pampasaherong bus sa isang truck sa southbound lane ng North Luzon Expressway (NLEX) sa Valenzuela City noong Lunes ng gabi.

Ayon sa imbestigasyon, ang bus ay biyaheng Angat, Bulacan papuntang Monumento, Caloocan nang bigla itong lumipat ng linya, bumangga sa isang closed van, at saka sumalpok sa likuran ng isang dump truck.

Isa sa mga sugatan ay isang 83-anyos na babae na nagtamo ng sugat sa mata at agad dinala sa ospital. Ayon sa mga pasahero, nagkagulo sa loob ng bus at napilitan silang sirain ang bintana upang makatakas.

“Sinapak po nila yung bintana saka po sila nagsibabaan at ayun po nagtakbuhan sila bumaba na sila sa bus, tapos yung mga naipit po matagal pa po bago makalabas,” salaysay ng isang pasahero.

Ipinaliwanag ni Police Senior Master Sergeant Oliver Juan ng Valenzuela City Police Station Traffic Unit na mabilis ang takbo ng bus at sinubukan ng drayber na lumipat pakaliwa para iwasan ang dump truck, pero unang nabangga ang closed van.

“Nag-merge siya ng kaliwa para hindi niya sana mabangga itong dump truck. Kaso nga lang merong closed van na andoon sa third lane nabangga niyang una. Pagkabangga niya nito, kumabig naman pa-kanan hanggang dire-diretso nabangga niya puwetan ng dump truck,” ayon kay Juan.

Naglabas na ng show cause order ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) laban sa operator ng bus at pansamantalang sinuspinde ang anim nitong yunit sa loob ng 30 araw.

Inatasan ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III ang Draven Bus Company na isuko ang kanilang "for hire" plates, at tiyaking sasailalim sa road safety seminar at mandatory drug test ang kanilang mga drayber. Nagbabala rin siya na posibleng masuspinde o makasuhan ang mga operator na bigong kontrolin ang kanilang tauhan.

Binigyang-diin ni Transportation Secretary Vince Dizon ang kahalagahan ng pananagutan: “Napakagrabe po ng pagmamaneho na ginagawa nung driver at kailangan pong maparusahan both yung operator at yung driver.”

Dahil sa aksidente, bumigat ang trapiko sa southbound lane ng NLEX at muling nabuhay ang panawagan para sa mas mahigpit na pagpapatupad ng mga batas trapiko. Nag-deploy ang LTFRB ng karagdagang field inspectors at pinalalakas ang koordinasyon sa iba pang ahensya upang maiwasan ang mga ganitong insidente.