Diskurso PH

Pagputok ng Kanlaon, nagdulot halos ₱1 milyon ang pinsala sa agrikultura


Margret Dianne Fermin • Ipinost noong 2025-04-16 12:35:36
Pagputok ng Kanlaon, nagdulot halos ₱1 milyon ang pinsala sa agrikultura

Abril 16, 2025 — Umabot na sa halos ₱1 milyon ang pinsalang dulot ng pag-aalboroto ng Bulkang Kanlaon sa sektor ng agrikultura, ayon sa Office of the Provincial Agriculturist.

Apektado ang maraming magsasaka sa Negros Occidental, matapos bumuga ng abo ang bulkan ng halos apat na oras. Tumama ang ashfall sa ilang barangay sa Bago at La Carlota City. Mahigit 2,000 hayop ang kinailangang ilikas dahil sa kakulangan ng pagkain.

Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na posibleng magdulot ng mas malakas na pagsabog at pagdaloy ng lava ang aktibidad ng bulkan.

Ayon sa ulat ng Department of Agriculture (DA), pumalo na sa ₱1.39 milyon ang kabuuang pinsala, na nakaapekto sa 40 magsasaka. Kabilang sa mga naitalang pagkawala ay ₱620,280 sa produksyon ng palay, ₱420,400 sa high-value crops at saging, at ₱349,320 sa mais.

Iniulat din ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na nasa pagitan ng 10,000 hanggang 15,000 metriko toneladang tubo ang naapektuhan, ngunit patuloy pa ang beripikasyon sa halaga ng mga ito.

Tiniyak ni DA Assistant Secretary Arnel de Mesa na hindi makakaapekto nang malaki sa presyo ng pangunahing bilihin ang naging pinsala. "Very, very minimal, napakaliit lang. Of course, these are very minimal atsaka napaka-concentrated lang doon sa area," ani De Mesa.

Bilang tugon, nagbigay ang DA ng tulong sa mga apektadong magsasaka. Kabilang dito ang halos ₱100,000 halaga ng gamot at biologics para sa mga hayop, binhi ng palay at mais, zero-interest loans sa ilalim ng Survival and Recovery loan program, pondo para sa mga insured na magsasaka, at paggamit ng quick response fund.

Ipinakita ng pagputok ng Bulkang Kanlaon kung gaano kahina ang sektor ng agrikultura sa harap ng sakuna, at ang kahalagahan ng maagap na suporta upang maibsan ang epekto sa kabuhayan ng mga magsasaka.

Image Courtesy of PHIVOLCS