Diskurso PH
Translate the website into your language:

PNP, hawak ang tatlong suspek sa pagpatay kay Anson Que

Ipinost noong 2025-04-19 20:02:09 PNP, hawak ang tatlong suspek sa pagpatay kay Anson Que

Abril 19, 2025 — Hawak na ng Philippine National Police (PNP) ang tatlong suspek sa pagpatay kay Filipino-Chinese businessman Anson Que, na kilala rin bilang Anson Tan, at sa kanyang driver na si Armanie Pabillo, ayon sa kumpirmasyon ng mga opisyal ngayong Sabado.

Kinilala ni PNP spokesperson at Police Regional Office III Director Brig. Gen. Jean Fajardo ang mga suspek bilang sina Ricardo Austria David, Raymart Catequista, at David Tan Liao. Nasa kustodiya ngayon ng PNP Anti-Kidnapping Group (AKG) ang tatlo.

Sa isang presscon, sinabi ni Fajardo na dumaan na sa inquest proceedings sa DOJ ang mga suspek at nahaharap sila sa dalawang kaso ng kidnapping for ransom with homicide.

Isa sa mga suspek, si David Tan Liao—na gumagamit rin ng mga alyas na Xiaoxiang Yang, Yang Jianmin, at Michael Abadyung—ay kinilalang Chinese national. Kusang loob siyang sumuko sa AKG at inamin ang kanyang partisipasyon sa krimen.

“Later on, during the discussion, we will show to you, he was seen doon po sa pinagdalhan po ng mga biktima, diyan po sa may 345 Martha Street, Barangay Langka, Meycauayan, Bulacan, where the victims were viewed na pumunta po doon at doon na rin po sila pinatay,” dagdag ni Fajardo.

Huling nakita sina Que at Pabillo noong March 29, 2025, matapos umalis mula sa opisina ni Que sa Valenzuela City. Kinabukasan, nakatanggap ang pamilya ng ransom demand na $20 million sa pamamagitan ng WeChat. Agad nila itong ini-report sa AKG. Sa kabila ng negosasyon, natagpuan ang mga bangkay nina Que at Pabillo noong April 9 sa tabi ng kalsada sa Rodriguez, Rizal. Kinumpirma ng forensic testing ang kanilang pagkakakilanlan.

Dahil dito, inatasan ni PNP Chief Gen. Romel Francisco Marbil ang pagbuo ng Special Investigation Task Group, katuwang ang CIDG, Anti-Cybercrime Group, at iba pang regional units.

“We discovered that this crime had been planned months in advance, starting as early as January this year (Nalaman namin na ang krimeng ito ay pinlano ilang buwan nang mas maaga, simula pa noong Enero ngayong taon),” pahayag pa ng isang PNP spokesperson.

Sa tulong ng CCTV, cyber monitoring, at intel reports, natukoy ang mga suspek. Inaresto sina David at Catequista sa Palawan bandang alas-3 ng madaling araw noong April 18. Si Liao naman ay sumuko rin sa parehong araw.

Isa sa mga breakthrough sa kaso ay ang kuha sa CCTV at ang pagkakarekober sa isang Lexus van na iniwan sa Quezon City. Nakita si Liao na pumasok sa convenience store para bumili ng wet wipes at plastic bag—na pinaniniwalaang ginamit sa pagtatanggal ng ebidensya.

“Ito po, bumili po siya ng, pumasok po siya sa isang convenience store, kumuha po ng wet wipes at isang plastic po na ginamit po niya para tanggalin po yung kanyang mga prints,” paliwanag ni Fajardo.

Noong April 16, sinalakay ng awtoridad ang 345 Martha Street kung saan nakakuha sila ng ebidensyang may DNA match kay Pabillo. Doon din pinaniniwalaang isinagawa ang krimen.

Kinumpirma rin ng PNP na may dalawa pang Chinese nationals na sangkot at kasalukuyang pinaghahanap. Sila umano ang tinutukoy bilang "principals" ng kaso.

“They were also present during the time the victims were held inside the house. These two were with David Tan Liao himself. So aside from the two Filipino suspects, there were a total of five individuals present when the victims were detained (Nandoon din daw sila sa bahay habang hawak ang mga biktima—kasama mismo ni David Tan Liao. So kung isasama ang dalawang Filipino, lima silang lahat na naroon nang ikinulong ang mga biktima),” sabi ni Fajardo.

Larawan: Yayam Dizon/Facebook