Diskurso PH
Translate the website into your language:

DepEd inanunsyo ang pagbubukas ng klase sa Hunyo 16, 2025

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-04-20 11:10:51 DepEd inanunsyo ang pagbubukas ng klase sa Hunyo 16, 2025

April 20, 2025 — Inanunsyo ng Department of Education (DepEd) na opisyal na magsisimula ang klase sa lahat ng pampublikong paaralan sa buong bansa sa Hunyo 16, 2025, bilang bahagi ng pagbabalik sa tradisyunal na Hunyo-hanggang-Marso na academic calendar.

Batay sa DepEd Order No. 12, series of 2025, tatagal ang school year mula Hunyo 16, 2025 hanggang Marso 31, 2026, na may kabuuang 197 araw ng klase, kabilang ang End-of-School-Year (EOSY) rites.

Ang pagbabagong ito ay kasunod ng pag-apruba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Mayo 2024 bilang tugon sa panawagan ng publiko na ibalik ang lumang iskedyul ng pasukan.

Binigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara ang kahalagahan ng pagbabago. Aniya, "This adjustment aligns with our commitment to creating a more conducive learning environment for students and teachers."

Isasagawa rin ang Brigada Eskwela mula Hunyo 9 hanggang 13, bago ang opisyal na pagbubukas ng klase. Nakatakda ring magsimula ang enrollment isang linggo bago ang pasukan.

Malugod na tinanggap ni Senador Sherwin Gatchalian ang desisyon. Ayon sa kanya, "Resuming classes in June will help restore a sense of normalcy for our learners and teachers after the disruptions caused by the COVID-19 pandemic and help them avoid extreme heat during the school year."

Pinaalalahanan ng DepEd ang mga private schools, Philippine Schools Overseas (PSOs), at mga state/local universities and colleges na may basic education programs na maaaring sumunod sa bagong iskedyul, basta’t makumpleto ang kinakailangang bilang ng araw ng klase.

Nilinaw rin ng kagawaran na in-person learning pa rin ang pangunahing paraan ng pagtuturo, ngunit maaaring gamitin ang distance learning modalities kung sakaling magkaroon ng emerhensya o banta sa kaligtasan.

Tiniyak ng mga opisyal ng DepEd na ginagawa na ang mga paghahanda para sa maayos na pagbubukas ng klase. Ayon sa isang tagapagsalita, "We are working closely with stakeholders to facilitate a seamless opening of classes."

Ang pagbabalik sa lumang academic calendar ay inaasahang magbibigay ginhawa sa mga magulang at guro, lalo na’t maraming nanawagan na maiwasan ng mga estudyante ang sobrang init habang may pasok.

Image Courtesy of DepEd