Diskurso PH
Translate the website into your language:

NEDA, aprubado ang dagdag-pondo sa Kaliwa Dam project

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-04-24 15:04:43 NEDA, aprubado ang dagdag-pondo sa Kaliwa Dam project

Abril 24, 2025 – Inaprubahan ng National Economic and Development Authority (NEDA) Board, na pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang pagtaas ng kabuuang halaga ng proyekto para sa Kaliwa Dam sa ilalim ng New Centennial Water Source Project.

Ginawa ang desisyon sa huling pulong ng Board bago ito opisyal na maging Economy and Development (ED) Council.

Tumaas ang halaga ng proyekto mula ₱12.2 bilyon patungong ₱15.3 bilyon matapos humiling ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ng dagdag na pondo, pagbabago sa saklaw ng proyekto, at palugit sa loan validity at implementation period.

Batay sa datos noong Disyembre 2024, nasa 24.8% pa lamang ang pisikal na konstruksiyon ng dam.

Itinuturing ang Kaliwa Dam bilang flagship infrastructure project na layong makapagdagdag ng 600 milyong litro ng hilaw na tubig kada araw para sa Metro Manila at mga lalawigan ng Rizal at Cavite.

Ang China Energy Engineering Corporation ang nangangasiwa sa pagtatayo ng dam sa pamamagitan ng official development assistance loan na nagkakahalaga ng $211.414 milyon, alinsunod sa kasunduang pinirmahan ng Pilipinas at China noong 2018.

Sakop ng Chinese loan ang 85% ng proyekto, habang ang MWSS ang sumasagot sa natitirang 15%.

Binigyang-diin ng NEDA ang kahalagahan ng dam upang tugunan ang tumataas na demand sa tubig ng Metro Manila. “The Kaliwa Dam is critical to ensuring water security for the National Capital Region and nearby provinces, especially during droughts and dry spells,” ayon sa ahensya.

Gayunman, tinututulan ito ng mga environmental group at katutubong komunidad. Ayon sa mga kritiko, sisirain ng proyekto ang 291 ektarya ng watershed, ilalagay sa panganib ang 172 uri ng halaman, at sisira sa mga tirahan ng hayop. Binabalaan din nilang maaari itong magpalala ng epekto ng climate change.

Sa kabila ng pagtutol, determinado pa rin ang gobyerno na tapusin ang proyekto. Target ng MWSS na matapos ang konstruksiyon sa katapusan ng 2026, at magsimula ang operasyon sa 2027.