Diskurso PH

NCIP humiling ng paliwanag sa pag-aresto ng 5 Aeta sa pinatubo protesta


Margret Dianne Fermin • Ipinost noong 2025-04-25 19:36:27
NCIP humiling ng paliwanag sa pag-aresto ng 5 Aeta sa pinatubo protesta

Abril 25, 2025 — Hiniling ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ang paliwanag ng Capas Municipal Police kaugnay ng pag-aresto sa limang miyembro ng komunidad ng Aeta sa isinagawang protesta sa Mount Pinatubo noong Biyernes Santo, Abril 18.

Naganap ang kilos-protesta sa Sta. Juliana trail ng Mount Pinatubo, kung saan pansamantalang hinarangan ng mga Aeta mula Sitio Tarukan, Barangay Sta. Juliana, ang daanan upang ipahayag ang kanilang saloobin hinggil sa hati ng kita sa turismo at pagkilala sa kanilang lupang ninuno.

Ayon kay Lt. Col. Jovy Arceo, hepe ng Capas police, dinala sa istasyon ang mga Aeta upang isagawa ang dayalogo kasama ang lokal na pamahalaan. Idiniin niyang inaresto ang mga ito kaugnay ng alleged grave coercion o diumano’y pananakot sa mga turistang dumaan sa Sitio Tarukan sa gitna ng protesta.

Kinilala ang mga inaresto na sina Jober Ocampo, Joseph Cosme, Bayani at Alma Sumaoang, at Levi David—lahat residente ng Sta. Juliana.

Matagal nang nananawagan ang mga Aeta sa tanggapan ng NCIP sa Gitnang Luzon na ibalik sa listahan ng mga kinikilalang benepisyaryo ng kita mula sa turismo sina Adonis Ocampo, Robert Sanchez, Julie Dumolot, Lorna de la Cruz, at Orling Cosme.

Ayon kay Victor Valantin, Indigenous Peoples’ Mandatory Representative sa konseho ng Capas, tinanggal ang limang nabanggit sa listahan dahil apat umano sa kanila ay residente ng Botolan, Zambales, at isa sa San Clemente, Tarlac.

Dagdag pa ni Valantin, umabot sa ₱4.5 milyon ang kabuuang bahagi ng kita noong 2024, at maraming usapin ang lumitaw kung sino ang tunay na dapat makinabang.

Sa pahayag ng NCIP nitong Biyernes, sinabi nitong matagal na nitong kinakausap ang mga Aeta, ang lokal na pamahalaan ng Capas, at iba pang stakeholder mula pa noong Oktubre upang resolbahin ang mga isyung may kaugnayan sa turismo sa Mount Pinatubo.

“Our efforts aim to ensure that indigenous peoples receive a fair share of tourism benefits without imposing additional costs on visitors,” ayon sa komisyon.

Kinilala rin ng NCIP na ang protesta ay “[underscores] the need for meaningful dialogue on ancestral land rights and equitable tourism practices” at iginiit na dapat igalang ang karapatan ng mga katutubong pamayanan “while promoting sustainable and inclusive tourism.”

Dagdag ng ahensya, patuloy nitong isinusulong ang pakikipag-ugnayan sa lahat ng panig at “already explored solutions that promote harmony and equity for all involved.”