BRP Miguel Malvar, palulubugin sa pagsasanay ng Balikatan 2025

26 Abril 2025 — Isang dating World War II-era warship, ang BRP Miguel Malvar (PS-19), ang nakatakdang ilubog bilang bahagi ng isinasagawang Balikatan 2025 military exercises.
Kumpirmado mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na gagamitin ang barko bilang target sa Maritime Strike (MARSTRIKE) phase ng pinagsanib na pagsasanay ng mga puwersang Pilipino at Amerikano.
“This exercise is a key component of Balikatan 2025, designed to enhance interoperability and refine maritime strike capabilities,” ayon kay Brig. Gen. Michael Logico, assistant exercise director at tagapagsalita ng Balikatan.
Dagdag pa niya, “The BRP Miguel Malvar will be sunk using a combination of assets, including the Philippine Air Force’s FA-50PH fighter jets and the U.S. military’s F-16s, F-35s, and possibly F-18s.”
Ang BRP Miguel Malvar, na orihinal na itinayo noong 1944 bilang USS Brattleboro (PCE(R)-852), ay nagsilbi muna sa U.S. Navy bago inilipat sa Republic of Vietnam Navy noong 1966.
Matapos bumagsak ang Saigon noong 1975, dinala ang barko sa Pilipinas at isinama sa Philippine Navy noong 1976. Pormal itong dinecommission noong 2021, bilang isa sa mga huling World War II-era ships ng hukbong-dagat.
Gaganapin ang MARSTRIKE event sa karagatan malapit sa Naval Education Training Command sa San Antonio, Zambales, sa Mayo 5, 2025. Layunin ng pagsasanay na magsanay sa totoong combat scenarios at subukan ang bisa ng iba't ibang uri ng armas.
“This is not just about sinking a ship; it’s about ensuring our forces are prepared for any maritime threats,” diin ni Logico.
Ang Balikatan 2025, na nagsimula ngayong linggo, ay nilahukan ng humigit-kumulang 17,000 sundalo mula sa Pilipinas, Estados Unidos, at mga kaalyadong bansa.
Kasama sa mga aktibidad ng drills ang integrated air and missile defense simulations, cyber defense exercises, at live-fire demonstrations. Inaasahan ding dadalo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ilan sa mga pangunahing kaganapan.
Binigyang-diin ng AFP ang simbolikong kahalagahan ng paglubog sa BRP Miguel Malvar. “While it is bittersweet to see a historic vessel go, this represents the modernization and evolving capabilities of our naval forces,” ani Capt. John Paul Salgado, hepe ng Balikatan’s Combined Joint Information Bureau.