DOTr, iniimbestigahan ang mga kaso ng hindi pinasakay dahil sa sirang pasaporte

26 Abril 2025 — Iniimbestigahan ngayon ng Department of Transportation (DOTr) ang mga ulat na may mga biyahero umanong hindi pinayagang makasakay ng eroplano dahil sa sirang pasaporte.
Umani ng pansin ang isyu matapos mag-post si Diana Natividad sa social media na tinanggihan umano ng Cebu Pacific ang kanyang ama na sumakay ng flight patungong Bali, Indonesia, noong Abril 15 dahil sa maliit na punit sa kanyang pasaporte.
Ayon sa Philippine Passport Act, itinuturing na sira ang isang pasaporte kapag naapektuhan ang pisikal nitong anyo dulot ng kalumaan, kapabayaan, o iba pang dahilan na nagdudulot ng depekto.
Sakop nito ang mga pagkakataong hindi na mabasa ang data page, nasira ang chip, o nadamage ang dokumento dahil sa tubig. May tungkulin ang mga airline na suriin ang kondisyon ng mga travel document upang maiwasan ang maling paggamit.
Ayon kay DOTr Secretary Vince Dizon, nagsasagawa sila ng masusing imbestigasyon kasama ang Civil Aeronautics Board.
“We have to verify with Denpasar airport if that is in fact true,” pahayag ni Dizon kaugnay ng alegasyon na hindi tatanggapin ng immigration ng Bali ang nasirang pasaporte.
Dagdag pa niya, “We’re looking at CCTV footage and personal accounts to ensure no wrongdoing occurred. If proven, sanctions will be imposed on both personnel and airlines”.
Ipinaliwanag ng Cebu Pacific na kahit ang bahagyang sira sa pasaporte ay maaaring magresulta sa pagkakait ng boarding o pagpasok sa destinasyon.
“If there’s even a minor tear, or scratch, or if it got wet, tampered, or has been written on with a ballpen—especially with unauthorized markings—this will really be an issue when you're traveling,” ayon kay spokesperson Carmina Romero.
Ipinatawag na ng DOTr ang Cebu Pacific at iba pang international carriers upang tiyakin ang pagsunod sa tamang mga protocol. Binigyang-diin ng ahensya ang kahalagahan ng maayos na pag-aalaga sa pasaporte at pinayuhan ang mga biyahero na palitan ang mga sirang dokumento bago mag-book ng biyahe.
Tiniyak din ng DOTr sa publiko na anumang maling pagtrato ay agad na aaksyunan.