Higit 110,000 makina para sa bilangan, naipadala na – Comelec
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-05-05 09:18:13
5 Mayo 2025 – Kumpleto na ang nationwide deployment ng mahigit 110,000 automated counting machines (ACMs) para sa nalalapit na halalan sa Mayo 12, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Inanunsyo ni Comelec Chairman George Garcia na isinasagawa na ang final testing and sealing (FTS) ng mga makina at tatagal ito hanggang Mayo 7.
“So far, 100% successful po 'yung ating mga tina-try na mga makina. Wala pong kahit isa na technical issue na na-encounter ang ating mga electoral board members,” pahayag ni Garcia sa isang panayam sa radyo.
Sa FTS, sinusubok ng electoral board members ang buong proseso gamit ang ACMs—mula sa pag-initialize ng makina hanggang sa pagboto ng 10 test voters. Mano-manong binibilang ang mga boto upang ikumpara sa resulta ng makina at tiyakin ang katumpakan nito.
Matapos ang testing, siniselyuhan ang mga makina at iniimbak sa tanggapan ng Department of Education Supervisor Official (DESO). Bantay ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga ito hanggang sa mismong araw ng halalan.
Bukod sa mga pangunahing makina, naglaan ang Comelec ng 16,371 contingency ACMs bilang backup sakaling magkaroon ng aberya.
Sinimulan na rin ng Comelec ang pamamahagi ng official ballots at iba pang election paraphernalia upang masigurong handa ang lahat ng sangkap para sa halalan sa buong bansa.
