Diskurso PH
Translate the website into your language:

PNP, itinaas sa ₱10M ang pabuya sa suspek sa pagpatay kay Anson Que

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-05-05 13:03:02 PNP, itinaas sa ₱10M ang pabuya sa suspek sa pagpatay kay Anson Que

5 Mayo 2025 – Itinaas ng Philippine National Police (PNP) sa ₱10 milyon ang pabuya para sa makapagtuturo sa kinaroroonan ng isa sa mga pangunahing suspek sa pagpatay kay Anson Que, isang negosyanteng Chinese, at sa kanyang driver.

Kinilala ng PNP ang suspek bilang si Wenli Gong, na gumagamit din ng mga alyas na Kelly Tan Lim, Bao Wenli, Axin, at Huang Yanling. Inanunsyo ni Police Brigadier General Jean Fajardo, tagapagsalita ng PNP, ang desisyon sa isang press briefing ngayong Lunes.

“Itinaas na po sa ₱10 million ang reward kung sino man po ang makakapagbigay ng information sa mabilis po na ikakadakip o ikakaaresto ni alias Kelly,” ayon kay Fajardo.

Dating ₱5 milyon ang alok na pabuya, ngunit dinoble ito upang mapabilis ang paghuli sa suspek. Si Gong umano ang nag-akit kay Que papunta sa isang bahay sa Bulacan kung saan sila dinukot bago pinatay. Ayon sa imbestigasyon, siya rin ang nag-ayos ng paglipat ng ransom money sa pamamagitan ng mga casino junket operator, bago ito ipinalit sa cryptocurrency.

Limang katao ang na-identify ng PNP na sangkot sa krimen. Tatlo ay nasa kustodiya na: David Tan Liao, Richardo Austria, at Reymart Catequista. Dalawa pa ang pinaghahanap: sina Jonin Lin at Kelly.

Itinuturing nina PNP Chief Gen. Rommel Marbil sina Liao at Gong bilang mga utak ng krimen, kasama ang isa pang hindi pa pinapangalanang suspek.

“We have identified David Tan Liao as mastermind. We are looking for Kelly. We have a ₱5-million bounty,” pahayag ni Marbil bago pa taasan ang pabuya.

Iniimbestigahan din ngayon ang posibleng pagkakasangkot ng anak ni Anson Que na si Alvin Que, matapos itong isangkot ni Liao. Ngunit kinuwestyon ito ng Movement for Restoration of Peace and Order (MRPO).

“Why is the word of a notorious criminal the sole source of your evidence? Why did Alvin Que become a person of interest only on the word from Liao, a known kidnapper and gun for hire responsible for the deaths of more than a dozen kidnap victims?” ayon sa pahayag ng MRPO.

Nagpadala na ng mosyon ang PNP sa Department of Justice (DOJ) upang tanggalin ang pangalan ni Alvin sa listahan ng mga respondents.

“There are people who want to muddle the investigation to confuse us,” babala ni Marbil, at idiniin na hindi dapat tanggapin agad bilang katotohanan ang mga pahayag ni Liao.

Samantala, nagsimula na ang nationwide manhunt para kay Gong, na huling namataan sa Boracay, Aklan noong Abril. Naniniwala ang mga awtoridad na nasa bansa pa rin ito.

Patuloy ring iniimbestigahan ng PNP ang posibleng pananagutan ng ilang casino at junket operators, matapos matukoy na mahigit limang katao ang tumanggap ng ₱200-milyong ransom bago ito gawing crypto. Dalawa sa kanila ay nasa kustodiya na.