Simula na ang midyear bonus! ₱63.7-B pondo nakalatag para sa mga kawani ng gobyerno
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-05-15 14:46:59
Mayo 15,2025 — Inanunsyo ng Department of Budget and Management (DBM) na magsisimula na ngayong Huwebes, Mayo 15, 2025, ang pamamahagi ng midyear bonus para sa mga kuwalipikadong kawani ng gobyerno.
Kinumpirma ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na naglaan ang pamahalaan ng kabuuang ₱63.695 bilyon para sa 2025 midyear bonus, kung saan ₱47.587 bilyon ay para sa civilian personnel at ₱16.108 bilyon naman para sa military at uniformed personnel.
“The funds for the mid-year bonus have been comprehensively released by the DBM to the implementing agencies in January 2025, which is why we respectfully call on our colleagues and heads of government agencies and LGUs to hopefully give the mid-year bonus to their respective employees as soon as possible,” ani Pangandaman.
Ayon sa DBM Budget Circular No. 2017-2, ang midyear bonus ay katumbas ng isang buwang basic salary ng isang empleyado at ibinibigay sa mga nakapagsilbi ng hindi bababa sa apat na buwan mula Hulyo 1 ng nakaraang taon hanggang Mayo 15 ng kasalukuyang taon. Kailangan ding may satisfactory rating sa huling performance evaluation.
Saklaw ng bonus ang mga civilian personnel sa mga regular, casual, at contractual na posisyon—appointive o elective, full-time o part-time—mula sa Executive, Legislative, at Judicial branches, Constitutional Commissions, State Universities and Colleges (SUCs), at mga Government-Owned or -Controlled Corporations (GOCCs) na sakop ng Compensation and Position Classification System.
Kasama rin sa makatatanggap ng bonus ang mga military personnel sa ilalim ng Department of National Defense, gayundin ang mga uniformed personnel ng PNP, BFP, BJMP, PCG, at NAMRIA.
Para sa mga empleyado ng local government units (LGUs), nakadepende ang pagbibigay ng bonus sa desisyon ng kanilang local councils at sa availability ng pondo, alinsunod sa mga probisyon ng Local Government Code.
Nagpaalala rin si Pangandaman sa mga empleyado ng gobyerno na maging maingat sa paggastos ng bonus: “I am also calling on our fellow citizens to be wise and careful in using their mid-year bonus. Let us not be wasteful, and I hope we budget it properly according to our needs.”
Tiniyak ng DBM na magiging maayos at on time ang distribusyon ng midyear bonus, at lahat ng kuwalipikadong empleyado ay makatatanggap ng benepisyo nang walang abala.
