Basura sa bote, magiging kalsada! PET plastics aprubado na sa aspalto ng DPWH
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-05-20 11:37:21
MAYNILA, Pilipinas — Opisyal nang inaprubahan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang paggamit ng basura mula sa polyethylene terephthalate (PET) plastic bottles bilang karaniwang additive sa aspalto para sa mga pambansang kalsada, sa hakbang tungo sa mas sustainable na imprastruktura sa bansa.
Nilagdaan ni DPWH Secretary Manuel Bonoan ang isang Department Order na naglalaman ng mga teknikal na pamantayan para sa paggamit ng PET plastic bottle waste sa bituminous concrete surface course, na ngayon ay bahagi na ng DPWH Standard Specification for Highways, Bridges, and Airports.
“Turning waste into valuable resources for building better and more roads is the future of public infrastructure development in the country. The public can expect more of these policies as we vow to continue to fund for these construction innovations,” pahayag ni Bonoan.
Itinataguyod ng inisyatibang ito ang programang inilunsad noong 2024 kung saan LDPE plastic bag waste naman ang ginamit sa paggawa ng mga kalsada.
Ayon sa DPWH, isusunod na isasama sa kanilang Project and Contract Management Application ang bagong timpla na may halong plastic waste, upang matiyak ang implementasyon nito sa mga proyekto ng mga regional office, Unified Project Management Office clusters, at district engineering offices sa buong bansa.
Binanggit din ng ahensya na ang paggamit ng recycled plastic waste ay makatutulong sa pagpapalakas ng tibay ng mga kalsada, pagpapahaba ng buhay nito, at pagbawas sa epekto sa kalikasan.
