Diskurso PH

Ibalik muna si Digong sa Pinas! Kaalyado ni Duterte, nagbabala kay BBM


Margret Dianne Fermin • Ipinost noong 2025-05-22 10:31:32
Ibalik muna si Digong sa Pinas! Kaalyado ni Duterte, nagbabala kay BBM

MAYNILA, Pilipinas — Nanawagan ang mga kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pabalikin muna si Duterte sa Pilipinas bago simulan ang anumang hakbang ng pagkakasundo sa pagitan ng dalawang makapangyarihang pamilya.

Ayon kay Senador Christopher “Bong” Go, matagal nang kaalyado ni Duterte, hindi magiging tunay ang anumang reconciliation kung hindi muna maibabalik si “Tatay Digong.”

“Kung gusto niyo po ng reconciliation, pabalikin niyo muna si Tatay Digong,” pahayag ni Go, patungkol kay Duterte na kasalukuyang nakakulong sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague kaugnay ng kasong crimes against humanity dahil sa kanyang war on drugs.

Binigyang-diin pa ni Go na si Duterte mismo ang dapat kausapin, at hindi sina Vice President Sara Duterte o iba pang miyembro ng pamilya.

“Siya naman po muna ang dapat kausapin. Siya yung elder Duterte. Siya yung nag se-serbisyo sa ating mga kababayan. Ginawa niya po ang lahat ng sakripisyo ngunit pinadala siya dun sa Hague,” aniya.

Samantala, nagpahayag naman ng alinlangan si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa sinseridad ni Marcos na makipag-ayos.

“Sa lalim ng sugat na in-inflict nila sa amin, kailangan talaga ng extreme sincerity, hindi ‘yung pahapyaw,” ani Dela Rosa. Dagdag pa niya, gawa at hindi salita ang sukatan ng tunay na hangaring magkaayos.

Matatandaang ilang beses nang inihayag ni Marcos na bukas siya sa pakikipagkasundo sa pamilya Duterte, at mas nais niya ang pagkakaisa kaysa tunggalian sa pulitika.

“Ayaw ko ng gulo. Gusto ko makasundo sa lahat ng tao. Mas maganda,” aniya sa isang podcast interview.

Gayunman, nilinaw ng Malacañang na hindi dapat may kundisyon ang pagkakasundo.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, “Let’s not focus on the Dutertes regarding the President’s openness for reconciliation. The remarks of the President were clear—it’s for everybody whom he doesn’t share the same values, principles, and policies with.”

Image from PCO