Mas maraming 5-anyos, pwede nang mag-Kinder! DepEd, binago ang age limit
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-06-06 08:59:03
HUNYO 6, 2025 — Mas maraming batang Filipino ang maaari nang mag-enrol sa Kindergarten matapos i-adjust ng Department of Education (DepEd) ang age cut-off mula August 31 patungong October 31. Epektibo sa school year 2025-2026 ang bagong patakaran, kung saan pwede na ring mag-qualify ang mga batang limang taong gulang na ipinanganak mula November 1 hanggang December 31 — basta’t nakapagtapos sila ng early childhood education o pumasa sa readiness assessment.
Binigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara na tinitiyak ng hakbang na ito na walang batang maiiwan.
"Every child grows and learns at their own pace. By allowing more flexibility in the Kindergarten age requirement, we are making sure that each learner has the opportunity to start strong and succeed from day one," aniya.
(Iba-iba ang paglaki at kaalaman ng bawat bata. Sa pagbibigay ng mas flexible na age requirement para sa Kindergarten, sinisiguro nating may oportunidad ang bawat mag-aaral na magsimula nang malakas at magtagumpay mula sa unang araw.)
Kailangang sundin ng mga pribadong paaralan ang bagong patakaran, pero maaari silang magsagawa ng karagdagang assessment.
Noong nakaraang taon, 1.8 milyong bata ang nag-enrol sa Kindergarten sa buong bansa. Inaasahan ng DepEd na mas tataas pa ang enrollment sa June 9-13 registration para sa mga pampublikong paaralan.
Magsisimula na ang klase sa June 16.
(Larawan: Philippine News Agency)
