Diskurso PH

EJK cases sa drug war, target matapos ng CHR ngayong taon; PNP, hinihimok na makipagtulungan


Marijo Farah A. Benitez • Ipinost noong 2025-06-10 10:47:36
EJK cases sa drug war, target matapos ng CHR ngayong taon; PNP, hinihimok na makipagtulungan

HUNYO 10, 2025 — Pinaplano ng Commission on Human Rights (CHR) na tapusin bago matapos ang taon ang imbestigasyon sa libo-libong umano’y extrajudicial killings (EJKs) na kaugnay sa nakaraang administrasyon sa war on drugs, kahit na may mga naging hadlang dati sa pagkuha ng mga police records.

Inihayag ni CHR Chair Richard Palpal-Latoc na mahigit 4,000 kaso mula 2016 hanggang 2022 ang patuloy na sinisiyasat, pero marami ang naantala dahil sa limitadong kooperasyon ng Philippine National Police (PNP).

“Sa ngayon, majority of these cases ay 'di pa tapos ang investigation dahil sa kakulangan ng kooperasyon mula sa PNP para ibahagi ang impormasyon ukol sa mga kaso,” pahayag niya sa mga mambabatas sa isang pagdinig sa House.

Madalas nakakatagpo ng balakid ang CHR sa pag-access sa mga case file, bagaman nangako ng suporta ang bagong appoint na PNP chief na si Gen. Nicolas Torre.

“The Commission has experienced denial on different reasons by the PNP — access to records, police reports, and other pieces of evidence,” dagdag ni Palpal-Latoc.

(Nakaranas na ng pagtanggi ang Komisyon sa iba't ibang dahilan mula sa PNP — pag-access sa mga rekord, police reports, at iba pang ebidensya.)

Ayon sa opisyal na datos ng PNP, 6,000 ang nasawi sa drug war, pero tinataya ng mga rights group na maaaring lumagpas pa sa 30,000 ang bilang.

Tiniyak ni PNP’s Directorate for Investigation chief na si Brig. Gen. Matthew Baccay ang pagsunod, aniya, “After the hearing, the chief PNP directed all units involved where the human rights is asking for the case folders of all these cases to cooperate, to provide. We already given orders in this regards.”

(Pagkatapos ng pagdinig, inatasan ng hepe ng PNP ang lahat ng sangay na sangkot kung saan humihingi ng case folders ang human rights ukol sa mga kasong ito na makipagtulungan at magbigay. Naipasa na namin ang mga kaukulang utos ukol dito.)

Idinagdag pa niya, “The directive is already there. Should any of our units refuse, please inform us.”

(Nandiyan na ang direktiba. Kung may unit na tumanggi, ipagbigay-alam lang sa amin.)

Iginiit ni Rep. Benny Abante ang agarang aksyon, sabi niya, “Three years na 'yan. Dapat magkaroon na tayo ng closure tungkol dito.”

Kasunod ito ng arrest warrant ng International Criminal Court laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa umano’y crimes against humanity — isang akusasyong itinatakwil niya.

 

(Larawan: Commission on Human Rights of the Philippines | Facebook)