Diskurso PH
Translate the website into your language:

Walang lusot: ICC hindi pumayag sa petisyon ni Duterte laban sa mga hukom

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-06-11 12:04:00 Walang lusot: ICC hindi pumayag sa petisyon ni Duterte laban sa mga hukom

MANILA — Nagkakaisang ibinasura ng International Criminal Court (ICC) ang inihaing petisyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na tanggalin ang dalawang hukom sa pagdinig ng kanyang kaso kaugnay ng diumano’y crimes against humanity na may kinalaman sa kampanya kontra droga ng kanyang administrasyon.

Sa tatlong pahinang desisyon na may petsang Hunyo 9, sinabi ng ICC plenary of judges na tinanggihan nila ang kahilingan na alisin sina Judges Reine Adélaïde Sophie Alapini-Gansou at María del Socorro Flores Liera mula sa Pre-Trial Chamber I, na siyang magpapasya sa isyung may kinalaman sa hurisdiksyon ng korte sa kaso ni Duterte.

"The plenary of judges, acting unanimously, decided to reject the Application. A fully reasoned decision of the plenary will follow," ayon sa desisyong nilagdaan ni ICC President Judge Tomoko Akane.

Isinumite ang petisyon noong Mayo 1 ng legal team ni Duterte, sa pangunguna ni international lawyer Nicholas Kaufman. Giit nila, may “dating pagkakasangkot” ang dalawang hukom sa pinakamahalagang legal na usapin sa kaso, dahil kabilang sila sa nagdesisyong payagan ang ICC Prosecutor na ituloy ang imbestigasyon noong Setyembre 2021.

Iginiit ng kampo ni Duterte na posibleng mawalan ng pagiging patas ang pagdinig kung hindi aalisin ang mga hukom. Ngunit tiniyak ng dalawang hukom na sinusunod nila ang Rome Statute at Code of Judicial Ethics, at wala silang nakikitang dahilan para ma-disqualify.

Samantala, hinikayat ng Office of Public Counsel for Victims (OPCV) ang ICC na tuluyang ibasura ang jurisdictional challenge ni Duterte. Ayon sa OPCV, may hurisdiksyon pa rin ang ICC sa mga krimeng nangyari mula Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019, kahit umatras na ang Pilipinas sa Rome Statute noong 2021.

"Most serious crimes of concern to the international community as a whole will go unpunished and the effective prosecution of atrocities committed against countless victims will never materialize,” ayon sa pahayag ng OPCV.

Nananatili sa kustodiya sa The Hague si Duterte matapos maaresto noong Marso 11 sa ilalim ng warrant ng ICC. Inaasahan ang susunod niyang pagharap sa korte sa Setyembre 23 para sa hearing ng kumpirmasyon ng mga paratang laban sa kanya.