BSKE baka maurong sa 2026; Comelec handang itigil ang registration
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-06-12 16:17:37
MANILA — Nagbabala ang Commission on Elections (Comelec) na maaaring suspendehin ang voter registration para sa 2025 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Hulyo, kasabay ng hakbang ng Kongreso na palawigin ang termino ng barangay at SK officials at ipagpaliban ang halalan hanggang Nobyembre 2026.
Kinilala ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia na isang political decision ang pagpapaliban at hindi saklaw ng Comelec ang usapin. “Una, dapat nating maintindihan na ito ay political decision at siyempre, hindi pupwedeng makialam ang Comelec sa political decision, lalo na ng ating legislative department,” aniya.
Dagdag pa ni Garcia, “Ginagalang natin yan at kung ano mapagkasunduan nila, susunod ang Comelec lalo na ito ay pagpapaliban ng isang halalan.”
Na-ratipikahan na ng Senado ang bicameral conference committee report na naglalayong gawing apat na taon ang termino ng barangay at SK officials (mula sa kasalukuyang tatlo) at itakda ang susunod na BSKE sa unang Lunes ng Nobyembre 2026. Ayon kay Garcia, hihintayin muna ng Comelec ang pasya ni President Ferdinand Marcos Jr. kung pipirmahan o iveto ang panukala.
Bilang tugon, magpupulong ang Comelec sa isang emergency meeting sa susunod na linggo upang talakayin ang paghahanda para sa BSKE—lalo na sa procurement—at ang posibilidad na suspindihin ang voter registration. Paliwanag ni Garcia, kung masususpinde, posibleng simulan muli ang registration pagkatapos ng Bangsamoro elections, mula Oktubre hanggang Agosto ng susunod na taon.
Inaasahan ng Comelec na aabot sa 70 milyon ang rehistradong botante kung matutuloy ang mas mahabang registration, kaya balak nitong hilingin ang mas mataas na 2026 budget. “Hindi pa natin naco-compute sa kasalukuyan pero iinsist natin… baka maihahabol pa na maibalik yung ₱2,000 across-the-board na binibigay natin sa ating mga electoral board members,” sabi ni Garcia. Kailangan din umano ng Comelec na dagdagan ang mga polling precinct, mag-hire ng mas maraming guro, at tiyakin ang sapat na election paraphernalia.
Sa kabila nito, nag-iingat pa rin ang Comelec. Kapag naantala ang rehistrasyon, aasahan nilang mas mahaba ang proseso. Sa ngayon, nakatakda pa rin sa Disyembre 1 ang 2025 BSKE—naka-depende ang pagbabago sa magiging aksiyon ng Kongreso at Pangulo.
