Diskurso PH
Translate the website into your language:

Libreng gamot sa mental health, agad na makukuha sa mga ospital ng Metro Manila

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-06-13 09:28:28 Libreng gamot sa mental health, agad na makukuha sa mga ospital ng Metro Manila

HUNYO 13, 2025 — Inanunsyo ng Department of Health (DOH) na maaari nang makuha nang libre ang mga gamot para sa depression, schizophrenia, at iba pang mental health conditions sa mga napiling ospital at health centers sa Metro Manila.

Kasama sa programa ang anim na mahahalagang psychiatric drugs: Paliperidone palmitate (150mg), Escitalopram (10mg), Lithium carbonate (450mg), Quetiapine (200mg), Risperidone (2mg), at Clozapine (100mg). 

Para makuha ang libreng supply, kailangang magpakita ng valid na reseta ang pasyente. Pwede itong i-email sa mentalhealth.dohncr@gmail.com para ma-verify bago i-claim.

Pumunta lang sa mga pangunahing access points tulad ng Metro Manila Center for Health Development (MMCHD), Philippine General Hospital, at Jose R. Reyes Memorial Hospital, kasama ang mga lokal na health centers sa Maynila.

Hindi pa inilalabas ng DOH kung hanggang kailan ang programa, pero binigyang-diin nito ang patuloy na pagpapalawig ng suporta sa mental health.

Hindi na kailangan ng appointment, pero pinapayuhang mag-confirm muna ng prescription approval sa email bago pumunta sa mga designated sites. 

Dumating ang hakbang na ito sa gitna ng tumataas na pangangailangan sa mental health services, habang nananawagan ang mga advocate para sa tuloy-tuloy na suporta ng gobyerno sa psychiatric care.

 

(Larawan: Radyo Pilipinas)