100 Chinese nationals ipina-deport dahil sa ilegal na POGO
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-06-17 12:03:16
Hunyo 17, 2025 — Ipinadeport ng mga awtoridad ng Pilipinas ang 100 Chinese nationals papuntang Shanghai, China nitong Martes ng umaga, bilang bahagi ng nagpapatuloy na kampanya laban sa ilegal na Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) at mga scam hub sa bansa.
Pinangunahan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at Bureau of Immigration (BI) ang operasyon, sa tulong ng Embahada ng China sa Pilipinas. Naaresto ang mga dayuhan sa mga isinagawang operasyon sa Lapu-Lapu City (Cebu), Silang (Cavite), Parañaque, at Pasay City sa nakaraang taon.
Binigyang-diin ni PAOCC Executive Director Gilberto Cruz na laganap pa rin ang operasyon ng mga ilegal na POGO sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
"Na-establish na natin talagang kahit saan sa Pilipinas may mga nag-ooperate pa rin ng POGO," ani Cruz. Pinuri rin niya ang maayos na koordinasyon sa embahada ng China, na sila ring sumagot sa gastusin ng deportees.
Nagpaabot ng pasasalamat ang mga awtoridad ng China sa Pilipinas dahil sa pagtulong na masugpo ang mga scam operations na umano'y nakaapekto sa halos 1,000 Chinese nationals. “Natutuwa po sila kasi yung sa coordination na ginagawa ng Pilipinas dahil po natutulungan po natin yung bansa nila,” dagdag ni Cruz.
Sa bagong batch ng deportees, umabot na sa humigit-kumulang 4,000 ang kabuuang bilang ng mga naipadeport na POGO workers mula nang simulan ang kampanya. Ayon kay Cruz, may nakatakda pang karagdagang deportation sa mga susunod na buwan na maaaring umabot sa 100 katao pa.
Orihinal na 106 katao ang naka-schedule, ngunit dahil sa ilang isyu gaya ng hindi tugmang pagkakakilanlan at mga kasong legal, nabawasan ang kabuuang bilang.
Sakay ng Philippine Airlines flight PR336 mula NAIA Terminal 1 patungong Shanghai ang mga deportado. Sila ay blacklisted na rin ng Bureau of Immigration, kaya’t hindi na maaaring makabalik sa Pilipinas.
Kasama mismo ni Cruz ang deportation team at inaasahang makikipagpulong sa mga opisyal ng China upang palawakin pa ang kooperasyon laban sa ilegal na sugal at cybercrime.
Tiniyak ng mga awtoridad na tuloy-tuloy ang operasyon laban sa mga ilegal na POGO at mga dayuhang sangkot sa panlilinlang at krimen sa internet.