Mga vlogger inatasang i-blur ang taong nasa background ng video
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-06-17 12:03:12
Hunyo 17, 2025 — Inilabas ng National Privacy Commission (NPC) ang bagong guidelines na nag-uutos sa mga vloggers at content creators na i-blur o takpan ang mukha ng mga taong nasa background sa kanilang mga video bilang proteksyon sa karapatan sa privacy ng bawat indibidwal.
Epektibo na simula Hunyo 10, 2025, ang NPC Circular No. 2025-01, na nagtatakda ng mas mahigpit na panuntunan sa pagkuha at paglalathala ng video na maaaring makunan ng ibang tao nang hindi nila alam o sang-ayon. Ayon sa NPC, itunuturing na “data processing” ang pag-record ng tao, sinasadya man o hindi, kaya’t saklaw ito ng Data Privacy Act of 2012 (DPA).
Ayon sa circular, “In the scenario where vloggers are recording footage of themselves in action—eating, shopping, driving, biking, dancing, walking, or otherwise engaged in general video recording activities in public or semi-public places—vloggers shall ensure that personal data processing activities are done in a fair and lawful manner.”
Sa ilalim ng bagong regulasyon, kailangang gawin ng mga vloggers ang sumusunod:
-
I-blur o takpan ang mga mukha ng mga tao sa paligid, lalo na ang mga bata at vulnerable individuals
-
Magbigay ng abiso o paalala sa mga taong maaaring makuhanan na sila ay naka-record at ipo-post online
-
Maglagay ng privacy notice sa kanilang platform, kung saan maaaring hilingin ng mga naapektuhan na tanggalin ang content na lumalabag sa kanilang karapatan
Babala ng NPC, ang mga lalabag ay maaaring makasuhan sa ilalim ng criminal, civil, at administrative penalties ng DPA, IRR nito, at iba pang kautusan ng komisyon. Pinapaalalahanan din ang mga vlogger na kumikita sa content na magparehistro sa NPC, dahil ang hindi pagsunod ay maaaring magresulta sa multa hanggang ₱50,000.
Ayon kay Privacy Commissioner John Henry Naga, layunin ng bagong guidelines na panatilihin ang balanse sa pagitan ng transparency, pananagutan, at privacy sa panahon ng digital content creation.
"With the growing use of body-worn cameras across law enforcement, private security, and even digital content creation, we are entering a new era where the boundary between public safety, personal expression, and individual privacy is increasingly complex," pahayag ni Naga.
Hinikayat ng NPC ang lahat ng vloggers na sumunod sa bagong panuntunan at tiyaking nire-respeto ang privacy ng mga taong nasasama sa kanilang video. Magkakaroon din ng regular na review ang komisyon upang maiangkop ang guidelines sa pagbabago ng teknolohiya at privacy standards.
