Diskurso PH

Comelec: Duterte Youth lumabag sa batas, di na kuwalipikado


Margret Dianne Fermin • Ipinost noong 2025-06-18 17:33:55
Comelec: Duterte Youth lumabag sa batas, di na kuwalipikado

Hunyo 18, 2025 — Kinansela na ng Commission on Elections (Comelec) ang rehistrasyon ng Duterte Youth party-list matapos mapatunayang lumabag ito sa ilang batas sa halalan at mga procedural requirements.

Sa isang 25-pahinang desisyon, pinagbigyan ng Comelec Second Division ang petisyong inihain noong 2019 na humihiling na ipawalang-bisa ang rehistrasyon ng Duterte Youth. Ayon sa ruling, walang bisa mula sa simula ang rehistrasyon ng party-list dahil nabigong sundin ang mga jurisdictional requirements gaya ng publication at hearing.

Sa desisyon, binigyang-diin ng Comelec na hindi maaaring gamitin bilang palusot ng Duterte Youth ang kawalan umano ng requirement mula sa Comelec. Dapat umano ay ipinakita ng grupo ang tapat na pagsunod sa mga umiiral na batas sa halalan.

Tinukoy din ng Comelec na lumabag ang Duterte Youth sa Party-list System Act nang magtalaga ito ng overage nominees noong halalan 2019. Ayon sa batas, kailangang 25 hanggang 35 taong gulang lamang ang mga nominee sa araw ng eleksyon.

Napag-alaman ding sadyang pinayagan ng Duterte Youth ang isang overaged candidate ilang oras bago ang halalan—isang hakbang na nagdulot ng pagdududa sa tunay nitong layunin na katawanin ang sektor ng kabataan.

Bukod dito, ginagamit umano ng Duterte Youth ang makinarya ng National Youth Commission para sa kampanya, na labag sa patakaran sa halalan. Tinuligsa rin ng Comelec ang mass withdrawal at substitution ng mga nominee ng grupo noong 2019 at tinawag itong paglapastangan sa proseso ng eleksyon.

Gayunman, nilinaw ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na hindi pa pinal at executory ang desisyon, dahil maaaring maghain ng motion for reconsideration ang Duterte Youth sa Comelec en banc.

"Bagamat yun ang naging decision ng Comelec division, may remedyo ang naturang party-list. Maaari pa rin silang mag-file ng motion for reconsideration upang maresolve yan ng Commission en banc," ani Garcia.

Wala pang inilalabas na pahayag ang Duterte Youth ukol sa desisyon. Inaasahan ang karagdagang update habang nagpapatuloy ang legal na proseso.