PhilHealth kidney transplant coverage itinaas sa ₱2.1 milyon
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-06-19 18:26:03
Hunyo 19, 2025 — Pinalawak ng pamahalaan ang libreng serbisyong medikal sa pamamagitan ng pagtaas ng PhilHealth coverage para sa kidney transplant mula ₱600,000 patungong ₱2.1 milyon, layuning bawasan ang pasan ng gastusin ng mga pamilyang Pilipino na may chronic kidney disease (CKD).
Inilunsad ang pinahusay na benepisyo kasabay ng pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI). Kasama rin sa package ang pinalawak na suporta para sa dialysis at maintenance care, kung saan umaabot na sa halos ₱1 milyon ang coverage bawat pasyente.
Ayon kay PhilHealth President Dr. Edwin Mercado, bahagi ito ng layunin ng ahensya na magbigay ng “a normal and peaceful life for everyone, despite any illness.”
Mula sa Corporate Operating Budget ng PhilHealth manggagaling ang pondong gagamitin, na ayon sa mga opisyal ay sapat upang suportahan ang pinalawak na benepisyo.
Pinalalakas din ng inisyatibang ito ang Konsulta program, na nagbibigay ng libreng konsultasyon, laboratory tests, at gamot sa mga paaralan at komunidad.
Ibinahagi ni Health Secretary Teodoro Herbosa na tumataas ang kaso ng CKD, lalo na sa mga bata. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng preventive care at pagbabago sa lifestyle upang labanan ang diabetes at hypertension, na siyang pangunahing sanhi ng kidney failure.
Inaasahan ng publiko ang karagdagang preventive health programs mula sa Department of Health sa mga susunod na buwan.
