Diskurso PH
Translate the website into your language:

7,000 ilegal na online gaming site, naipasara ng pamahalaan

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-06-20 11:58:00 7,000 ilegal na online gaming site, naipasara ng pamahalaan

Hunyo 20, 2025 — Inihayag ng Malacañang na matagumpay nang naipasara ng pamahalaan ang 7,000 iligal na online gaming websites, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa illegal digital gambling operations.

Sa isang press briefing, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na bunga ito ng pinagsamang operasyon ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

“Ang problema po ngayon ng gobyerno ay marami pong illegal na gaming website at mayroon na po silang 7,000 website na naipasara... Iyon lamang po, kapag po naipasara, mag-iiba na naman ng website,” ani Castro.

Paliwanag niya, patuloy ang enforcement efforts ngunit madalas ay nagbabago lamang ng domain ang mga operator. “Kapag po naipasara, mag-iiba na ng website. Pero hindi po titigil ang PAGCOR at ang DICT sa pagtanggal ng mga ganitong klaseng website,” dagdag niya.

Tinalakay rin ng Malacañang ang lumalalang kaso ng pagkaadik sa online sugal, lalo na sa mga kabataan. Ayon kay Castro, binabantayan ng pamahalaan ang mga lisensyadong gaming platform at hinikayat ang mga pamilya na agad i-report ang problemang kaugnay ng pagsusugal. “Kung ang pamilya man ay nagkakaproblema sa kanilang kamag-anak dahil nagugumon sa sugal, maaari po sila agad pumunta sa PAGCOR para po ma-ban ang tao na ito sa paglalaro,” aniya.

Bagamat may panawagang ipagbawal ang ilang online platforms tulad ng Scatter, nilinaw ng Palasyo na ito ay lisensyado at nasasailalim sa regulasyon ng PAGCOR, kaya hindi ito kabilang sa mga pinapatigil. Gayunman, tiniyak ng pamahalaan ang patuloy na pagsugpo sa mga ilegal na operasyon at pangangalaga sa mga sektor na madaling maapektuhan ng sugal.