Marcos nag-utos: San Juanico dapat kayanin ang 12 tonelada bago mag-Disyembre
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-06-20 11:57:53
Hunyo 20, 2025 — Inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na itaas ang load capacity ng San Juanico Bridge sa 12 tonelada bago matapos ang 2025, kasabay ng nagpapatuloy na rehabilitasyon sa tulay na nag-uugnay sa Samar at Leyte.
“Ang schedule namin dapat by December, before the end of the year, ang pwede ng gamitin na sasakyan hanggang 12 tons,” sabi ni Marcos sa isang episode ng kanyang BBM Podcast. Dagdag pa niya, “That’s a test, sabi ko pag hindi niyo natapos ‘yan, tatanggapin ko ‘yung resignation ninyo.”
Sa kasalukuyan, limitado lamang sa tatlong toneladang sasakyan ang pinapayagang dumaan sa 2.16-kilometrong tulay dahil sa mga isyung istruktural. Ayon sa DPWH, lumitaw sa huling inspeksyon na may corrosion at pagbabaluktot sa ilalim ng tulay kaya't ipinagbawal ang mas mabibigat na sasakyan.
Upang mapabilis ang pagkukumpuni, nilagdaan ni Marcos ang Proclamation No. 920 na nagdedeklara ng State of Calamity sa Eastern Visayas, para maipalabas agad ang pondo at serbisyo. “We declared the calamity so that we can bring in additional funding, we can bring in additional services,” paliwanag ng Pangulo.
Kinumpirma ni DPWH Secretary Manuel Bonoan na paunti-unting itataas ang pinapayagang bigat ng mga sasakyan—mula 4 tonelada, magiging 5 tonelada, hanggang 12 tonelada pagsapit ng Disyembre.
Samantala, binigyang-diin ni Marcos ang prayoridad sa mga nabubulok na produkto, lalo na’t maraming maliliit na truckers ang nawalan ng kita dahil sa pagkaantala. “Gagawa kami ng sistema para mauna ‘yung mga perishable goods,” ani Marcos.
Pinalalawak din ng pamahalaan ang RoRo services sa pagitan ng Samar at Leyte at pinapabilis ang paglalagay ng navigational aids para matiyak ang ligtas na biyahe ng mga barko habang limitado pa ang operasyon ng tulay.
Ang San Juanico Bridge ay nananatiling mahalagang ruta ng kalakalan at transportasyon sa Eastern Visayas, at tiniyak ng administrasyon na matatapos ang mga pagpapabuti nang hindi isinusugal ang kaligtasan ng publiko.
