‘Mt. Kamuning’ footbridge papalitan ng bago, mas ligtas na tulay
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-06-22 12:18:27
Hunyo 21, 2025 — Inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr) ang plano nitong palitan ang matarik at nakakatakot na ‘Mt. Kamuning’ footbridge sa EDSA ng mas mababa at commuter-friendly na estruktura, kasunod ng mga reklamo mula sa publiko at direktiba mula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ang kasalukuyang footbridge, na matatagpuan sa NIA South Road-Scout Borromeo Street, ay itinayo noong 2018 ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA). Tinaguriang “Stairway to Heaven” ng mga commuter, kilala ito sa labis na taas na hirap akyatin, lalo na para sa mga senior citizen, PWD, at buntis.
Ayon sa DOTr, ang bagong disenyo ay mas mababa at magkakaroon ng elevator para mas ligtas at mas madali ang paggamit ng mga pedestrian. “Papalitan ng Department of Transportation (DoTr) ang matarik at nakalululang footbridge na tinaguriang ‘Mt. Kamuning’ sa EDSA ng mas mababa at accessible na disenyo para sa mga commuter,” pahayag ng ahensya.
Hindi muna gigibain ang kasalukuyang tulay hangga’t hindi natatapos ang bagong footbridge upang manatiling bukas ang pedestrian access. Target ng DOTr na matapos ang proyekto sa loob ng anim na buwan, alinsunod sa direktiba ng Pangulo na pagandahin ang pedestrian infrastructure.
Binigyang-diin ni Transportation Secretary Vince Dizon ang kahalagahan ng kaginhawaan ng mga commuter: “Malinaw naman ang utos ng Pangulo na gawing mas convenient ang facilities natin para sa pedestrians at commuters. At ‘yan ang gagawin natin,” aniya.
Bahagi ito ng mas malawak na kampanya ng pamahalaan upang gawing moderno, inklusibo, at makatao ang mga pasilidad pampubliko sa lungsod.
