Diskurso PH
Translate the website into your language:

Labi nga ba ng sabungero? PCG, nakakuha ng mas maraming sako sa Taal Lake

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-07-11 17:56:21 Labi nga ba ng sabungero? PCG, nakakuha ng mas maraming sako sa Taal Lake

BATANGAS — Nakarekober ang Philippine Coast Guard (PCG) ng karagdagang mga sako mula sa ilalim ng Lawa ng Taal bilang bahagi ng pinaigting na paghahanap sa 34 na nawawalang sabungero na naitalang dinukot mula 2021 hanggang 2022.

Isinagawa ang operasyon kasunod ng pahayag ni whistleblower Julie “Dondon” Patidongan na inihulog sa lawa ang mga bangkay ng mga biktima matapos silang dukutin. Noong Hulyo 10, nakakita ang mga awtoridad ng puting sako na may laman umanong sinunog na buto ng tao malapit sa pampang, dahilan upang magsagawa ng full-scale dive kinabukasan.

Ayon kay DOJ Assistant Secretary Mico Clavano, “Parang nasa lake bed sila, without really having good visibility at least meron silang na-feel sa baba. At doon nila nahanap itong mga sakong ito.” Dagdag niya, “We still don’t know what the contents of those sacks are. Very possible din po na ang laman noon ay hindi buto, but we are hoping for the best.”

Mahigit 30 technical divers ang ipinadala noong Hulyo 11 gamit ang 100-by-100-meter search pattern para masuyod ang mga lugar na tinukoy sa site assessment. Pinaniniwalaang may buhangin sa loob ng mga sako upang masigurong lulubog ang mga ito sa ilalim ng lawa.

Ayon kay PCG spokesperson Captain Noemie Cayabyab, “Well-prepared po ang ating technical divers. Kumpleto po sila sa equipment na kakailanganin at bukod po diyan, mayroon din po tayong inaasahan na pagdating isang underwater remote operated vehicle.”

Ipinasa na sa PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at National Bureau of Investigation (NBI) ang mga narekober na labi para sa forensic analysis at DNA testing. Kumpirmado ni Clavano na may ilang pamilya nang nagbigay ng DNA samples: “Kahapon, as we were there in Taal Lake, there were already some families who subjected themselves to DNA testing.”

Binigyang-diin ng DOJ na maaaring maging mahalagang tagumpay sa matagal nang imbestigasyon ang bagong nadiskubre. “This discovery could represent a significant breakthrough... it offers renewed hope that we are closer to uncovering the truth and securing justice for the families of the missing,” ayon sa pahayag ng ahensya.

Sa kabila ng malabong tubig, aktibidad ng bulkan, at pabagu-bagong panahon, nananatiling pursigido ang mga awtoridad na sundan ang lahat ng posibleng lead. Tinutulungan sila ng remotely operated vehicles (ROVs) at aerial drones, at pinag-aaralan din ang pakikipagtulungan sa mga international partners.