Diskurso PH
Translate the website into your language:

Sakto sa sweldo: presyo ng krudo, tataas na naman!

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-07-11 15:47:38 Sakto sa sweldo: presyo ng krudo, tataas na naman!

HULYO 11, 2025 — Babawi na naman ang mga oil companies sa susunod na linggo. Pagkatapos ng dalawang linggong pagbaba, malaki ang itataas ng presyo ng krudo — posibleng P1 hanggang P1.50 ang itataas sa diesel, samantalang P0.50 hanggang P0.80 naman sa gasoline. Dulot ito ng patuloy na paggalaw ng global oil market, kung saan nagkukulang ang supply at nagdudulot ng pangamba ang mga hidwaan sa iba’t ibang bansa.

Ayon sa Jetti Petroleum, mas mataas ang demand kaysa inaasahan, habang pinutol naman ng OPEC+ ang kanilang production. Dagdag pa rito, ang mga pag-atake ng Houthi sa mga oil tanker sa Red Sea at ang bumababang production ng US ang lalo pang nagpapataas ng presyo.

Binigyang-diin din ng Department of Energy (DOE) ang posibilidad na tataas nang halos P1 ang diesel at kerosene.

Nangyari ito matapos ang magkakasunod na pagbaba noong nakaraang linggo, na pansamantalang nagpahupa sa matinding pagtaas noong Hunyo dahil sa tensyon sa Middle East. Pero habang nagiging unpredictable ang ekonomiya, volatile pa din raw ang presyo ng langis sa mundo. 

Sa Lunes iaanunsiyo ng mga oil companies ang final adjustments, at sa Martes na ito ipapatupad.

Sa dami ng nagaganap na gulo sa mundo, posibleng hindi na malayo ang P100-per-liter na krudo.

May mga ekspertong nagsasabing tila time bomb ang pag-asa sa langis — tuwing may giyera o problema sa supply, tiyak na tataas ang presyo. Mayroon namang ibang sumisisi sa market speculation, kung saan kumikita ang mga trader dahil sa takot na nararamdaman ng mga tao.

Dapat bang mamagitan ang gobyerno at higpitan ang price controls? O lalo lang itong magpapalala ng sitwasyon? At habang malayo pa ang mass adoption ng renewable energy, hanggang kailan kaya matitiis ng ordinaryong Pilipino ang sunud-sunod na pagtaas?

 

(Larawan: Philippine News Agency)