Kinatay? 34 biktima pinaslang muna sa slaughterhouse bago itapon sa Taal ayon sa whistleblower
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-07-12 14:47:03
BATANGAS — Isiniwalat ng whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan, dating aide ni gaming tycoon Atong Ang, na dinukot, pinaslang sa isang slaughterhouse, at itinapon sa Lawa ng Taal ang 34 nawawalang sabungero para pagtakpan ang krimen.
Ayon kay Patidongan, naganap ang pagpatay sa tabi ng palaisdaan sa Laurel, Batangas. Ginawa umano ito bilang parusa sa mga sangkot sa game-fixing. Ikinuwento niya na matapos dukutin, kinabukasan ay dadalhin ang mga biktima, kuhanin ang ₱500,000 suhol sa kanila, at walang sinuman ang pinaliligtas—pati bata at buntis nadadamay.
Inilarawan ni Patidongan kung paano nila pinabigat ang mga bangkay gamit ang mga sako ng buhangin at tie wire para hindi lumutang. Aniya, “Karumal-dumal yung ginawa nila… nilalagyan nila ng pabigat. Yung pinakita sa akin, nakahiga yung tao, tapos may buhangin na isinama nila sa tie wire. Lahat nakapatong sa tabla.”
Nagsimula ang search and retrieval operation sa Lawa ng Taal noong Hulyo 11, kung saan mahigit 30 technical divers mula sa Philippine Coast Guard (PCG) ang ipinadala. Sa unang araw, nakakuha ang mga diver ng tatlong body bag na may hinihinalang labi ng tao. Natagpuan ang mga sako sa lalim na 30 hanggang 50 metro, may pabigat upang manatiling nakalubog.
Kinumpirma ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na batay sa mga credible lead ang operasyon at inilarawan ang kaso bilang bahagi ng “income-driven corporate killings” na konektado sa ilegal na gambling syndicates. Sinabi rin niyang nakikipag-ugnayan ang gobyerno sa foreign partners para sa mas advanced na underwater equipment at forensic support.
Isiniwalat din ni Patidongan na sangkot umano ang ilang pulis sa pagpatay, kabilang ang isang team leader na ang tawag ay “Vito” na umano’y kumikita ng ₱2 milyon kada buwan dahil sa papel niya sa operasyon. Ayon sa kanya, “Siya yung lieutenant colonel na pulis na pinakateam leader sa lahat. Siya ang monthly niya 2 million. Ang tawag namin sa kanya si Vito.”
Inaasikaso na ni Patidongan ang pagsumite ng opisyal na affidavit at nakipagpulong na siya sa mga pamilya ng nawawalang sabungero na patuloy na humihingi ng hustisya. Ayon sa mga awtoridad, aabutin ng ilang linggo ang operasyon dahil sa malabong tubig, aktibidad ng bulkan, at pabagu-bagong panahon, ngunit tuloy ang pagsisikap nilang matuklasan ang buong katotohanan.
