Tanggal o demanda: CICC ultimatum sa influencer na may gambling content
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-07-12 14:46:59
MANILA — Nagbabala ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa mga social media influencer at content creator na nagpo-promote ng ilegal na online gambling, na kailangan nilang tanggalin ang naturang content bago matapos ang linggo o harapin ang kasong kriminal.
Ayon kay Renato “Aboy” Paraiso, CICC Deputy Executive Director at DICT Assistant Secretary, natukoy na ng kanilang tanggapan ang ilang influencer at content creator na nagpapalaganap ng ilegal na gambling content. Simula Lunes, Hulyo 14, sisimulan na nilang habulin ang mga hindi sumunod.
Nakatakdang magpadala ang CICC ng demand letters sa susunod na linggo para hikayatin ang mga influencer na ipaliwanag kung bakit hindi sila dapat kasuhan. Paliwanag ni Paraiso, “If they've taken it down… we will not pursue action. Kaya sila na ang magkusa na tanggalin.”
Bahagi ito ng mas malawak na kampanya laban sa ilegal na operasyon ng sugal sa bansa. Binigyang-diin ni Paraiso na mapanlinlang ang mga platform na ito dahil kadalasang walang age verification, hindi nagbabayad ng buwis, at walang pananagutan sa kanilang mga serbisyo. Aniya, “Their unchecked growth not only puts individuals at financial and psychological risk, but also deprives the nation of revenues that could fund essential public services.”
Kasabay nito, isinasagawa rin ng CICC ang enforcement action laban sa mahigit 150 website na target nang ipasara katuwang ang mga internet service provider at mga partner mula sa law enforcement. Nakikipagtulungan din ang ahensya sa Digital Pinoys upang matunton at ipatigil ang mga digital criminal operation.
Kaugnay nito, nauna nang naglabas ng hiwalay na direktiba ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na nag-uutos na tanggalin ang lahat ng billboard at out-of-home advertisement ng sugal sa buong bansa bago sumapit ang Agosto 15.
Habang tumitindi ang pagbabantay, tuloy-tuloy rin ang panawagan mula sa mga mambabatas at advocacy group para sa mas mahigpit na regulasyon o tuluyang pagbabawal ng online gambling dahil sa epekto nito sa kabataan at iba pang mahihinang sektor.
