Sen. Kiko isinusulong ang National Land Use Act para sa maayos na paggamit ng lupa
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-07-16 14:44:53
MANILA — Nanawagan si Senador Francis “Kiko” Pangilinan ng suporta mula sa publiko at mga mambabatas para sa panukalang National Land Use Act na layuning tugunan ang mga pangunahing suliranin sa seguridad sa pagkain, urban congestion, pagbaha, at kakulangan sa pabahay sa pamamagitan ng maayos at makatarungang paggamit ng lupa.
Binigyang-diin ni Senador Pangilinan na matagal nang kailangan ng Pilipinas ang komprehensibong land use policy. Ipinaliwanag niyang maraming problema tulad ng urban congestion, pagbaha, conversion ng mga sakahan, at kakulangan sa pabahay ay may kaugnayan sa kawalan ng matibay na polisiya sa paggamit ng lupa.
Sa ilalim ng panukala, itatatag ang mga mekanismo upang masuri at matukoy kung paano dapat gamitin at italaga ang lupa. Layunin nitong tiyakin na makatao, makakalikasan, at makatarungan ang paggamit ng lupa, habang pinagsasama-sama ang iba’t ibang umiiral na batas at polisiya ukol sa land use planning.
Layon ng panukalang batas na bumuo ng pambansang balangkas para sa paggamit ng lupa na makakatulong hindi lamang sa seguridad sa pagkain kundi pati na rin sa pagiging handa sa sakuna at epektibong urban planning.
Kilalang tagapagtaguyod si Senador Pangilinan ng mga reporma para sa agrikultura at kaunlaran sa kanayunan sa Senado. Kabilang dito ang pagpapatupad ng Sagip Saka Act at mga panukalang naglalayong protektahan ang mga lupang sakahan at tiyakin ang kabuhayan ng mga magsasaka.
