Trabaho at klase, suspendido sa 30 lugar dahil sa Bagyong Dante
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-07-22 17:05:42
MANILA — Inanunsyo ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang suspensyon ng trabaho sa lahat ng ahensya ng gobyerno at klase sa lahat ng antas, kabilang ang kolehiyo at seminaryo, sa hindi bababa sa 30 probinsya at rehiyon sa Miyerkules, Hulyo 23, 2025, dahil sa epekto ng Tropical Depression Dante.
Sakop ng work at class suspension ang mga sumusunod na lugar:
-
Ilocos Norte
-
Ilocos Sur
-
Abra
-
La Union
-
Benguet
-
Pangasinan
-
Tarlac
-
Nueva Ecija
-
Zambales
-
Bulacan
-
Bataan
-
NCR
-
Laguna
-
Rizal
-
Batangas
-
Quezon
-
Marinduque
-
Camarines Sur
-
Albay
-
Catanduanes
-
Sorsogon
-
Masbate
-
Romblon
-
Oriental Mindoro
-
Occidental Mindoro
-
Palawan
-
Antique
-
Negros Occidental
-
Guimaras
-
Cavite
Nagdadala si Tropical Depression Dante ng malalakas na pag-ulan at bugso ng hangin sa Luzon at ilang bahagi ng Visayas, dahilan para magpatupad ng preventive measures upang matiyak ang kaligtasan ng publiko. Ayon sa PAGASA, patuloy nilang binabantayan ang galaw ni Dante at ang epekto ng ulan, partikular ang banta ng pagbaha at landslide sa mga mababang lugar at kabundukan.
Gayunpaman, nilinaw ng DILG na hindi awtomatikong kasama ang mga empleyado ng pribadong sektor sa suspensyon. Ayon sa abiso, nakadepende ito sa desisyon ng mga employer.
“Para sa mga immortal na namamasukan, bahala na mga boss niyo. Sila ang nakakaalam ng kinakailangan ng hanapbuhay,” saad sa pahayag ng DILG.
Samantala, nananawagan ang ilang labor groups at manggagawa para sa mas malinaw at konsistent na patakaran sa wage protection at safety protocols tuwing may weather-related disruptions, lalo na para sa mga daily wage earners na nawawalan ng kita sa tuwing may suspensyon na hindi sakop ng gobyerno.
Pinapayuhan ang publiko na tutukan ang mga opisyal na anunsyo at sumunod sa mga safety protocols, lalo na’t posibleng magpatuloy ang malalakas na pag-ulan sa mga apektadong rehiyon.