Diskurso PH
Translate the website into your language:

3000 volunteers, nagkaisa sa malawakang clean-up drive sa Sampaloc Lake

Ana Linda C. RosasIpinost noong 2025-10-08 21:03:27 3000 volunteers, nagkaisa sa malawakang clean-up drive sa Sampaloc Lake

San Pablo City, Laguna — Tinatayang 3,000 volunteers mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan ang nagtulong-tulong sa isang malawakang “ linis lawa clean-up drive sa Sampaloc Lake, isa sa mga kilalang lawa sa lungsod ng San Pablo  na mas tanyag bilang “City of Seven Lakes.”

Pinangunahan ng lokal na pamahalaan ng San Pablo City sa pamumuno ni Mayor Arcadio “ Nanjie” Gapangada Jr. ang naturang aktibidad na layuning mapanatili ang kalinisan at kagandahan ng Sampaloc Lake, na isa ring pangunahing atraksyon sa lungsod.

Kabilang sa mga lumahok ang mga estudyante, empleyado, negosyante, uniformed personnel, at mga organisasyong sibiko na nagsama-sama upang linisin ang paligid at pampang ng lawa. Ang inisyatibong ito ay bahagi ng kampanya ng lungsod para sa pangangalaga sa kapaligiran at pagsusulong ng disiplina sa pagtatapon ng basura.

Ipinakita ng aktibidad ang tunay na diwa ng bayanihan, hindi lamang sa pagtutulungan sa paglilinis, kundi pati na rin sa pagbibigay ng suporta. Marami sa mga residente at lokal na negosyante ang nagpaabot ng pagkain at inumin para sa mga volunteer bilang patunay ng kanilang pakikiisa sa adhikain.

Ayon kay Mayor Gapanganda, malaking hakbang ang ganitong mga gawain upang mapanatiling buhay at malinis ang mga likas na yaman ng San Pablo City. “Ang Sampaloc Lake ay hindi lamang tanawin, ito ay bahagi ng ating pagkakakilanlan. Sama-sama nating pangalagaan ito para sa susunod na henerasyon,” ani ng alkalde.

Ang matagumpay na clean-up drive ay nagpatunay na sa tulong ng pagkakaisa at malasakit ng bawat mamamayan, posible ang malinis, maganda, at mas maunlad na San Pablo City.

larawan/google